top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Pinoy healthworkers, may pangamba sa pagdami ng Covid-19 cases sa Norway

Updated: Mar 9, 2020


DRAMMEN -Umakyat na sa 63 ang bilang ng kaso ng Covid-19 sa Norway at nangangamba ang mga Pinoy healthworkers dito sa magiging epekto nito sa kanilang pasyente at workload.


Ayon kay Papi, isang nars na nagtratrabaho sa Oslo Municipality health sector, di siya kumbinsido sa protocols ng mga nursing home facilities at mga ospital para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus sa mga pasyente sa bansa.


“Kulang sa kanila ang training sa proper handwashing and antiseptic techniques lalo na sa mga nasa first line of defense pati sa pandemic preparedness plan at briefing ng kanilang mga personnel sa lahat ng health care provider,” dagdag ni Papi.

Inilahad din niyang dapat na noon pa itinuro sa lahat ng health personnel ang lahat ng appropriate respiratory precautions kabilang na ang training sa mga empleado sa protocols to deal with respiratory diseases like corona virus bago pa man ang outbreak.


Inihalimbawa pa niya na may mga bagong hired na health personnel na pinahahawak na ng pasyente sa nursing homes kahit wala pang orientation sa proper handwashing techniques at ngayon pa lang ito ipinatutupad dahil sa outbreak.


Bukod sa kakulangan sa kahandaan sa outbreak, sinabi pa ni Papi na lalong nagiging malaki ang pangangailangan ng dagdag na staffing sa health sector dahil maraming mga empleado ngayon ang nagsi-sick leave sa pangambang mahawa sa virus. Kaya naman, aniya, mas marami silang trabaho na kinakarga dahil sa staff shortage.


Si Rachelle Ann Que na ICU nars sa Akershus University Hospital sa Oslo ay nangangamba rin na di sineseryoso ng karamihan ang banta na dulot ng Covid-19 virus.


Nagkomento si Que sa Facebook tungkol sa mga pangamba ng mga Pinoy sa outbreak. Ayon sa kanya, marami ang hindi di sumiseryoso sa banta dahil marami sa pasyente ay may mild na symptoms lamang at di nagkakasakit at nagsisilbing carrier lang.


“But the fact na marami pa in ang hindi alam about this virus, like walang vaccine, yung potential for mutation...since it's RNA virus and it spreads a lot faster, at magkakaiba ang incubation time. Hindi (pa) rin alam kung gaano kataas ang risk for children,” dagdag niya.

Sa kabuuan, ayon kay Que may pangamba siya sa di pagseryoso ng mga tao sa banta at nagtanong pa ito kung di daw ba ang nag-aalala ang iba para sa mga vulnerable sa sakit at wala ba silang pakialam sa mga ito?


Para naman ki Rolisa Nyeggen, isang health worker sa aged home care facility sa Drammen Municipality, nag-aalala siya sa mga pasyente niya na matatanda dahil mababa na ang kanilang immunity at mataas ang risk nila sa infection.


May pangamba din daw siya para sa sariling kalusugan dahil exposed siya sa trabaho sa mga matatanda sa kanilang facility.


Aabot sa 1,808 ang bilang ng mga pinoy na nagtatrabaho sa health sector sa Norway noong 2017 ayon sa Norwegian Statistics Office (SSB). Ang 946 sa bilang na ito ay nagtatrabaho bilang registered nurses. Ikatlo ang mga pinoy sa pinakamalaking grupo ng mga dayuhang nars sa Norway pagkatapos ng Sweden at Denmark.


Ulat ni Macel Ingles



Bakante pa rin ang mga isolation rooms sa mga ospital dahil nananatiling naka-home quarantine ang 63 pasyente na nag-positibo sa COVID-19 virus.
Credit: Private Photo








361 views0 comments

Comments


bottom of page