top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Mga Pinoy sa Italya, apektado sa pagpapasara ng paaralan at unibersidad dahil sa COVID-19 outbreak

Updated: Mar 9, 2020

MILAN – Lubhang apektado ang mga Pinoy sa desisyon ng gobyerno sa Italya na isara ang mga paaralan at unibersidad mula ngayong araw hanggang March 15 dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng pasyenteng positibo sa COVID-19 virus. Ang pagpapasara ay inilahad ni Prime Minister Giuseppe Conte, Miyerkules kasabay ng abiso na ibinigay ng Ministry of Education. Umaabot na sa mahigit 3000 na ang bilang ng mga pasyenteng positibo sa virus at umabot na sa 107 ang namatay mula sa anim noong February 21. Karamihan sa mga namatay ay mga matatanda na may edad 70 pataas at dati nang may ibang karamdaman bago pa man mahawaan ng virus. Ang Italya ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong Europa at pangatlo sa buong mundo.

Sa panayam ng Pinoy Portal Europe kay Maricel Aurelio na isang domestic helper sa Milan ay sinabi niyang nahihirapan siyang pumasok sa trabaho dahil wala siyang magpa-iwanan sa kanyang mga anak.

"Kahit may iiwanan ka ng bata alam natin iba ang buhay dito sa abroad. Lahat ng tao may kanya kanyang responsibilidad at nakakahiya mang istorbo kahit kamag anak mo,” dagdag pa niya.

Gaya ni Aurelio, si Leoncio Postrado na nagtratrabaho bilang fast food crew, ay kailangan din niyang maghanap ng mag-aalaga sa anak dahil sa pagpapasara ng mga paaralan. Ayon sa kanya,

“dinadala namin ang mga bata sa bahay ng hipag ko pag pareho kami pang umaga ni misis. Ayun pandalasan ng kilos para di ma-late sa work."

Mahigit walong milyong estudyante sa Northen Italy ang apektado ng pagpapasara. Dahil sa mas pinalawak na suspensyon ng klase, nangangamba naman ang mga magulang ay magiging epekto nito nangangamba sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

"Nasa third year na ang anak ko and ang daming dapat iprepare for state exam. Unless the government will decide na palitan lahat schedule of exams and extension of school days", ani Angelie Bernal.

Hinde naman kumbinsido si Sophia Pugal, isang sales lady sa L'Aquila sa isang warehouse, sa ginawang pagsasara ng gobyerno sa mga eskwelahan at unibersidad.


“Para sa akin, parang walang silbi naman ang pagsuspinde ng mga klase kung ang mga magulang naman ay lalabas pa rin para mag-work. Hindi ka rin safe dahil malay natin baka sa atin din nila makuha ang sakit?”


Batid ni Christine Chloe Crisologo-Angeles, isa ring sales lady sa Roma, ang epekto na nahihirapan ang mga magulang na walang mapag-iiwanan ng kanila mga anak dahil sa suspensyon ng klase.


“Kung yun ngang mga among Italyano ng mga Pilipino namomoblema, paano pa yung simpleng pamilyang pinoy?”


Ayon din sa kaniya, masyadong mataas ang hype ng balita ng COVID-19 sa social media.

“Well, if people aren’t coming (to work) paano magtatrabaho ang centro? I'm not talking about souvenir shops lang. We have bars along the Trevi Fountain that are having difficulties, as well. City restaurants are almost empty. Hotels and BnB’s are getting daily cancellations. School closure is not really the answer to this,” dagdag pa ni Angeles.

Bukod sa mga eskwelahan, sarado rin ang ilang mga museo at sinehan. Kanselado rin ang mga pampublikong pagtitipon bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.


Ulat nila Mye Mulingtapang at Jackie de Vega


Nananatiling nakasara ang mga eskwelahan at unibersidad sa \Italya dahil sa pagkalat ng COVID-19. Kuha ni Mye Mulingtapang


2,082 views0 comments

Comments


bottom of page