top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Wag timawa, galaw-galaw nang lumaya


Ni Sonny Fernandez  


Kalayaan ba 

kung wikang pambansa'y binuo; 

at patuloy na binubuo, ng mekos-mekos 

ng lenggwaheng banyaga't katutubo,

at salita ng iba-ibang mga tao?

Minsan nakakabobo.


Fud,  hango sa Ingles

silya, salitang Kastila

bayanihan, Tagalog

kumusta ka, ay Iloko.


Halimbawa'y birit kahuluga'y tatlo:

pagkanta ng mataas na nota 

pagpapabilis ng takbo ng sasakyan

"pilat sa talukap ng mata" naman sa Iloko. 


Nakasasabaw ng utak

patulong nga sa uwak!

 

Anyways, ang "paki-explain" ay Taglish 

Sampolan natin yan.

May Pinoy fandom din ni Billie Eilish 

buong og kabisado ng "Eyelashes" 


Pag ang sosyal nag-walking tour

Kasunod ay let's make tusok-tusok da fishballs 

Sa toilet na, kanyang next tour.


Ang sabi: Wikang pambansa'y pagyamanin

palaging gamitin at palaganapin.


Sa lehislatura, gamit ay Ingles

sa eskwela, Filipino

sa lansangan, lingua franca

pero sa tahanan ay Maranao;

ano nga ba talaga

isip ay nalulusaw. 


Umaandar ang panahon

hirap makaahon

wika nga'y ginagamit

lumalaganap

nagbabago

tayu dyan ay go sago. 


Ang "para sa iyong kaalaman" 

pinaikli sa "FYI" (For your information);


ang tanga, shunga 

ang mahirap, jologs 

ang pangit, chaka 

ang loko lang, charot

at ang nakakatawa ay lol! 

Di ba minsa'y nakabubulol?


Malaya nga ba ang Pilipino kung dila'y lito at di maka-go

o sadyang wika'y alipin lang ng panahon at pagbabago?


Kalayaan ba ang 2 milyong Team Bahay?

4.5 milyon na walang bubong

kundi araw at buwan walang pader 

kundi init at lamig ng hangin;

delubyo'y mabibigo

wala palang bahay na wawasakin.


Kalayaan ba ang 12 milyong pamilyang nahihirapan? 

Susubuan ng P60 bilyong ayudang tinawaran

Nganganga matapos ang isang buwan?


Ano ang kalayaan kung 117,000 

o  isang porsyento lang ng 118 milyo'y

kumikita ng P219,000 

at natitira'y barya-barya na lang na duling?


Hatian sa yaman

dinudugas ng mayayaman

kaya agwat lumalapad, dapat nang pigilan. .


Sa sistemang palaasa

pulitiko'y nagpapasasa

patuloy ang pananagasa

mahihirap nyan ay mag-aalsa.


Lumaya nga ba tayo kina Digong at China

Kung pumalit naman ay sina Marcos at Amerika? 

Ano nga ba ang pinag-iba ng dalawang dyablo sa lupa? 


Red tagging noon 

Red tagging hanggang ngayon.


Tokhang operations,

wala na raw napapatay sa droga,

tuloy naman ang alingasaw.


Pagpasasara ng mga POGO, debate pa 

traffickers at espiya, laganap na.


Nagnakaw sa Pharmally

ligtas pa rin


Nagnakaw sa PCSO

sanggang dikit pa rin


Usec at assec, tambak sa DA

ba't Pinas, top rice importer pa rin?


Nickel mining kay Duterte 

Sinara, binuksan


Nickel mining kay Marcos

Tatlong processing plants

meron nang construction plans?


Kalokohan ng dalawang mokong

mga Pinoy, pinagmumukhang gunggong  

Digong, kumubra ng P13.46 billion intel funds 

Habang si Junior, humirit ng P10 billion intel funds

Palakihan na ba ng bidding?


1991 Subic, Clark military bases, nilusaw

2024, limang EDCA military bases. lumitaw

Alboroto ng China:

Itinabi na sa Taiwan

itinapat pa sa West Philippines Sea

Gyera ba ang hamon? 


Syento por syento garantisado

panunulsol ng Amerika sinasakyan 

sumisikat kasi sa laban natin

gyera ba ay sa atin?


Kay Digong noon, "friends to all, enemies to none"

Kay Marcos Jr ngayon, "independent foreign policy"

Sadya bang nakakalurky? 

Sa kanila isisi

pigtas na ang pisi.


Malampaya'y inihandog

kay Dennis Uy, Duterte crony;

ang pumalit naman, 

iniregalo kay Enrique Razon 

na Marcos crony.


Napagtanto nyo na ba

meron bang pinag-iba 

ang dalawang hangal na halal?


Kaya Pinoy umasa sa iisa at sariling kilos

Wag timawa

Galaw-galaw nang lumaya.


Handa, awit: 

Sa himig ng "Bagong Pilipinas!"

Ooops:) Ay mali!


###

[Copyright ay nanatili sa may-akda.]


15 views0 comments

Comments


bottom of page