Ulat ni Macel Ingles
DRAMMEN --Isang Filipino exchange student ang naging biktima ng pangungutya ng mga kabataang Danes kamakailan sa Aarhus, Denmark.
Galing ang estudyanteng si Manu Marco sa isang dinner kasama ang iba pang kaibigan na Taiwanese at Thai at naglalakad sa city center sa Aarhus isang gabi nang maging biktima ng rasismo mula sa ilang kabataang Danes.
“Corona! Corona!, sigaw nila sa amin habang itinuturo kami, “ paglalahad ni Marco.
Ayon pa sa kanya, apat hanggang lima ang bilang ng mga puting kabataang Danes na nasa 20s ang mga edad ang sumigaw sa kanilang direksyon.
“Nung panahong iyon, di ko alam kung ano ang gagawin kasi it felt terrible and horrible,” dagdag pa niya.
Kaya nang nagkaroon sila ng diskusyon tungkol sa racism in Children’s Literature sa klase, naisip niyang ito na ang pagkakataon na sabihin sa guro at sa mga kaklase na ang nangyari sa kanya ay hindi tama.
Kinausap din diumano siya ng kanyang guro matapos ng klase at pinayuhan na sa susunod na mangyari ulit ito ay i-report na sa pulisya. Nakipag-ugnayan din ang guro at university sa media para ipaalam sa buong Denmark na hindi tama ang nangyayaring ganito sa panahon ng corona. Unang nailatha ang kanilang karanasan sa pahayagang Jylland-Posten.
Kinumpirma naman ng isa sa mga professor ni Marco ang mga insidente ng rasismo laban sa mga Asian university students sa Aarhus.
Ayon sa kanyang panayam sa Jylland Posten, sinabi ni Nina Christensen, professor sa Children’s Literature ng Aarhus University, mismong siya ay naging saksi sa pagiging rasista ng ilang kababayan niya.
Napaiyak pa daw ang isang Chinese student nang minsang pagsalitaan ng mga Danes sa kalye at nagsumbong ito sa kanya ng karanasan at ng iba pa niyang kaibigang Chinese na ininsulto naman ng isang matandang Dane.
Sinisikap diumano ni Christensen na pakalmahin ang takot ng mga estudyante at sinabihan sila na mag-file ng complaint ng diskriminasyon sa pulisya.
Kahit may mga ganitong karanasang inihalad ang kanyang mga estudyante ay wala namang opisyal na naiulat na reklamo na ipinaabot sa unibersidad at lokal pulisya sa Aarhus.
Nauna nang nagbabala ang WHO direktor na si Tedros Adhanom Ghebreyesus sa magiging epekto ng pagkalat ng virus tulad na lang ng pagkabit ng “stigma” sa ilang nasyonalidad.
Nakapanayam din ng Jylland Posten ang isang pang Pinoy na si Raian Razal na isang buwan pa lang sa Denmark mula sa Prague, Czech Republic na naglahad rin ng karanasan sa pahayagan na nasigawan ng “corona” habang nasa labas kasama ang mga kaibigang Pinoy.
May paliwanag naman ang isang sociologist sa Aalborg University na si Michael Hviid Jacobsen sa ganitong mga racist na behaviour laban sa mga Asians. Ayon kay Jacobsen, ito daw ay maikakawing sa konsepto ng “moral panic” sa panahon ng krisis.
May apat na stages daw na dinadaanan ng moral panic mula sa panic, conspiracy hanggang kagustuhang umaksyon dahil sa nararamdamang takot. Pero sabi pa niya, sana naman ay umabot na ang Denmark sa ikaapat na phase kung saan na-kontrol na ang pag-panic at ito ay unti-unti nang napapawi.
Isa sa halimbawa ni Jacobsen ng moral panic ang nangyari nung ika-11 ng Septyembre, 2001 sa Estados Unidos kung saan ang takot sa terrorismo ay nagbunsod ng galit at aksyon ng mga mamamayan laban sa mga Muslim.
Sinabi rin ng social anthropologist na si Christian Stokke ng University of Southeastern Norway na dati nang may kimkim na pansariling takot ang mga tao at pinaiigting lamang ito kapag may banta o krisis.
“When you have a crisis or threat, it triggers fear that you have from before. So, if you have fear of, say getting sick from before, you will become more afraid of getting sick now. If you are afraid of losing your job, then you are even more afraid of it now. If you are afraid of foreigners before, you will become more afraid of them now,” paliwanag ni Stokke.
Dagdag pa niya, “if your are afraid of losing control, you will tighten your grip on power.”
Kadalasan din daw na dahil sa nararamdamang kawalan ng kontrol ang mga tao dala ng pagkatakot sa banta o krisis, naghahanap sila ng masisi para maipanumbalik ang kanilang kontrol sa pamamagitan ng paggiit ng kapangyarihan sa iba.
Ang pangungutya ay isang paraan ng rasismo, isang sistema kung saan iginigiit ng isang lahi ang kanilang kapangyarihan sa iba pang lahi dahil sa paniwalang lahi ang pangunahing tumutukoy sa katangian at kakayahan ng isang tao at likas na nangingibabaw ang isang partikular na lahi.
Sa kabila ng mapait na karanasan ni Marco sa kamay ng mga Danes, may hiling siya para sa mga kababayan niya sa Europa.
“Sana lahat kayo safe, sana walang masaktan at ingat lagi,” pagtatapos niya.
Manu Marco
Comments