top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Pinoy restaurant worker sa Spain, positibo sa Covid-19

Ulat ni Sandra Sotelo, Spain


BARCELONA --Isang Filipino restaurant worker ang kinumpirmang nag-positibo sa Covid-19 sa Espanya.


Kinumpirma mismo sa Pinoy Portal Europe ng kanyang asawa ang kalagayan nito. Ayon kay “Cora” (di tunay na pangalan) na asawa ng biktima, itinakbo niya ang asawang si “Manolo” (di rin tunay na pangalan) sa ospital para magpatingin dahil sa karamdaman na masamang ubo at lagnat.


Sinabi niyang matapos magpatingin sa doktor, binigyan sila ng diagnosis na may pneumonia ang kanyang asawa kaya sinabihan sila na mabuting i-confine na muna ito para maobserbahan.


Sinuri ng doctor si “Cora”, at sinabing ang kaniyang karamdaman ay “common flu” lamang kaya siya ay pinayagan nang umuwi sa bahay.


Pero kahit under observation lamang, di na niya muling nakita ang asawa dahil inilipat na ito sa isolation at di na niya nalapitan at nakakausap na lamang sa cellphone.


Dalawang araw matapos i-admit sa ospital, ipinagbigay alam ng doktor sa ospital kay “Cora” na nag-positibo nga sa Covid-19 ang kanyang asawa at inilipat na ito sa isang exclusive quarantine room.


“Ngayon po mas malala kasi wala na siyang nakikitang tao na kasama niya dati na under observation na mga kasama nya. Ngayon nailipat na sya sa isang room. Mag isa lang sya doon,” paglalahad pa ni “Cora”.

Bago ma-ospital, pupunta pa sana si “Manolo” sa trabaho para pumirma ng papeles ng kanyang pansamantalang pagkatanggal sa trabaho ngunit dahil sa masama ang pakiramdam, dinala na nila ito sa ospital.


Ayon pa kay “Cora” nagpapasalamat siya at maayos silang inasikaso sa ospital.



Bintana ng ospital kung saan naka confine si "Manolo". Maliban sa cellphone, ang bintana lang na ito ang kanyang ugnay sa asawang si Manolo.


“Mabait naman po yung doctor nya na nakausap ko kaninang madaling araw kasi nagtyaga akong maghintay na kunin yung info from the doctor kasi yung mga iba nagsisialisan na kanina. Sabi ko titiisin ko muna, magtyaga akong maghintay para malaman kung ano ang gagawin ko just in case.”


Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na si “Manolo” at regular ang check-up sa kanya ng doktor at umaasa ang pamilya na magiging maganda ang findings sa mga susunod na araw.


May payo naman si “Cora” sa asawang nagpapagaling.


“Mag exercise ka, palakasin mo yang katawan mo para hindi ka nasa bed lang, sabi ko. Kapag nakikita ka nila na nasa bed ka lang, ayan makikita nilang mahina ka so be strong sabi ko kaya ayun kanina bumangon nagkanta kanta nag eexercise kahit sa kamay lang niya kasi may dextrose pa yung isa.”

Sa ngayon, ang pamilya ang naging lakas at sandata ni “Manolo”para maigpawan ang kanyang karamdaman at araw araw ay tumatawag ito sa mga anak.


Suportado naman ang pamilya ni “Cora” ng kanyang mga malalapit na kaibigan at ng simbahan. May numero rin sila ng hotline sa embahada sakaling kailangan nila ng tulong kahit ipinagbigay alam na sa kanila na ang ospital pa rin ang makakatulong sa kanila sa mga usaping medikal.


Sa huling panayam ng Portal kay “Cora”, ibinalita niyang maganda na ang pakiramdam ng asawa. Tinanggal na ang nakakabit na oxygen at panalangin niya ay tuluyan na rin gumaling ito sa karamdaman.


Pakinggan ng buo ang paglalahad ni “Cora” sa kanyang karanasan.



7,558 views0 comments

Comments


bottom of page