Pinoy Portal Europe Special Report: PAGTATAYA SA MAY 2025 ELECTIONS: ASA PA O MAY PAG-ASA PA?
- Pinoy Portal Europe
- 3 days ago
- 9 min read
Ni Sonny Fernandez
Nagsimula na ang overseas voting sa mid-term elections nitong April 13 para pumili ang mga Pinoy sa abroad ng 12 senador at isang party-list representative.
Makasaysayan ito dahil unang beses sa electoral exercise ng Pilipinas na ipinatutupad ang internet o online voting para sa mga kabayani.
![Overseas Filipinos in Bologna get assistance from PCG Milan on first day of Overseas Absentee Voting last April 13. [Photo courtesy: Migrante Bologna]](https://static.wixstatic.com/media/feef9f_97dcc4fee096435c89a79da87a3d0aa3~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_868,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/feef9f_97dcc4fee096435c89a79da87a3d0aa3~mv2.jpg)
Pero ang malungkot na balita, hanggang nitong Biyernes April 11, sinabi ng Comelec na meron lamang 48,000 overseas Pinoys o apat na porsyento ng kabuang bilang ng overseas voters ang nakapasok sa pre-voting enrollment system.
Ibig sabihin, mula April 13 ay sila lang ang verified voters na makaboboto gamit ang internet.
Milya-milya ang diperensya nito kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng registered overseas voters.
Sa datos ng Comelec, merong 1,241,690 overseas Filipinos ang rehistrado para sa 2025 elections – 805,358 babae at 436,332 naman ang lalaki.
Kailangan mag-enrol ang botante bago bumoto sa online para ma-verify kung siya nga ay registered, dyan din malalaman kung makaboboto o hindi, at kung makaboboto - ang personal data ang gagamitin para mapakinabangan ang internet voting.
Sa online voting, ilang click lang sa cellphone o laptop, mapipili na ang gustong ilagay sa pwesto, anumang oras.
Hindi na mamamasahe para pumunta sa embahada at bumoto.
Hindi na rin magpapaalam sa trabaho dahil sa ibang bansa, may pasok sa araw ng Lunes. Wala ring pila, hindi gagastos sa pagkain. Tipid sa oras, pera at effort.
Para sa COMELEC ang internet voting ang isang paraan para matugunan ang mababang turnout sa overseas absentee voting sa mga nagdaaang halalan.
Ito’y kahit may petition pang nakabinbin sa Supreme Court na inihain ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan para pansamantalang itigil ang online voting dahil sa mga katanungan nito tungkol sa apat na COMELEC resolutions hinggil sa online overseas voting.
Bagamat may mga katanungan at pagdududa ang ilang kritko at eksperto sa kanilang sistema, tiniyak ng Comelec ang integridad ng balota – safe at secured sa mga posibleng hacking para makapandaya.
Ganunpaman, sinabi ng Comelec na may isang buwan, mula April 13 hanggang May 12, para makaboto ang overseas Pinoys gamit ang internet.
Kung di man nakapag-rehistro para sa online voting, may option pa rin na manual voting o gamit ang Automated Election System, depende sa available na pamamaraan na kaya at resources na meron, ang embahada.
77 embahada o konsulado ang nagsasagawa ng online voting.
16 posts naman ang AES at manual voting, ibig sabihin, obligadong pumunta sa embahada ang botante para personal na bumoto. Kabilang dito ang China, Russia, Turkey, Iran, Iraq, Syria at Libya.
Ano ang taya rito ng mga overseas Pinoy?
“Feeling ko, wala nang future ang Pilipinas,” sagot ni Kim Evangelista na pabiro pero malaman, nang tinanong siya ng Pinoy Portal Europe kung ano ang hiling o dasal niya para sa Pilipinas.
Nagtatrabaho si Kim bilang accountant sa isang malaking kumpanya sa London.
Kahit may sarili siyang pananaw sa kalagayan ng bansa, boboto pa rin siya ngayong eleksyon, dahil paniwala niya, mas legit siyang makakapag-reklamo pag nagkaron ng problema sa mga serbisyong ibinibigay ang binotong opisyal sa mga tao.
“Yeps, exercising your right to vote,” paliwanag niya, “you can’t complain on the government or elected officials if you did not vote at all.”
Kasama si Kim sa 68, 618, 667 rehistradong botante sa Comelec ngayong May 2025 elections.
Sa datos ng election body, may kabuuang 18,280 mababakanteng elective posts ang kailangang punuan ngayong May elections.
Kasama sa pagbobotohan ang 12 slots sa pagka-senador, 63 seats sa party-list at 317 naman sa mga kinatawan ng bawat electoral district sa bansa.
Magluluklok din ng mga bagong mayor hanggang councilors, at governors hanggang provincial board members, sa mga syudad at probinsya.
Sa suma total, umabot sa 43, 033 job applicants ang umaasang mapipili ng mga botante, ayon pa sa Comelec.
Sa loob ng anim na taon, tiniis at tyinaga ni Luigi Alvarez ang kumayod sa ibang bansa, mapakain lang ang pamilya at mapag-aral ang tatlong anak sa Pilipinas kahit sobra siyang nangungulila sa kanila.
Maintenance engineer siya sa Al Haida Hospital sa Saudi Arabia mula 2003 hanggang 2008 at sa naiwang isang taon, lumipat siya sa Qatar bilang project engineer sa parehong elevator company.
Kwento ni Luigi, nasa elementary at high school ang mga anak nya nung nag-abroad siya, “graduating ng high school yung panganay ko nung umuwi ako. Pag-uwi ko, nakabili kami ng sasakyan at yun ang naging hanapbuhay ko, ka-tie-up ang Airport transport, yun ang ginamit na pang-aral nila sa college.”
Dahil kapos ang kinikita noon, pati kamag-anakan niya ay tumulong para makatapos ang kanyang mga anak.
Hanggang sumaklob ang pandemic sa sanlibutan. Tumigil ang pag-inog ng mundo. Halos lahat nakakulong sa community quarantine. Walang lumalabas. Walang byahe.
Ang gaya ni Luigi na nasa public transport ang isa sa direktang nahagip. Maliban sa health at iba pang frontliners, wala halos pasahero.
Dumapa ang kabuhayan ng maraming tao kasama ang mga OFW Sumalang sa gutom ang ordinayong mamamayan.
May mga tahasang namamalimos para lang may makain.
![Sa panahon ng pandemic, minabuti ng dating OFW na si Luigi Alvarez na mag-deliver ng mga appliance sa mga customer para maigapang ang pag-aaral ng mga anak at mapakain ang buo pamilya. [Photo courtesy: Luigi Alvarez]](https://static.wixstatic.com/media/feef9f_e1af3f8383a64e77853d0df155817cbb~mv2.jpg/v1/fill/w_720,h_540,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/feef9f_e1af3f8383a64e77853d0df155817cbb~mv2.jpg)
Gaya ng madiskarteng Pinoy, nasilip na oportunidad ni Luigi ang pandaemic para magbago ng sineserbisyo.
“Walang byahe kaya nag-deliver ako ng appliances sakto, nakatapos ang bunsong anak.”
Sa halalan sa Mayo, susugal si Luigi para sa kanilang kinabukasan. Panahon ng pandemic nang pumutok ang P15-billion corruption scandal sa Philhealth sa ilalim noon ni Presidente Rodrigo Duterte.
Sa pamamahala naman ni Pangulong Bongbong Marcos, pinabawi ang P89.9B subsidy sa Philhealth at habang sa kamara, zero budget ang national health insurance. Base ang mga ito sa reports ng media at imbestigasyon na isinagawa ng mga mambabatas.
Walang itulak kabigin sa dalawang nagbabanggaang ruling political dynasties ngayon kung sino ang tatangkilin ng masa maski parehong may nakagagalit na kasaysayan sa katiwalian, at madudugong record sa patayan sa nagdaang karanasan ng bansa.
Paniwala ng Ibon Foundation, ang zero budget ay malinaw na pagpapabaya ng gobyerno sa kalusugan ng mamamayan.
Pero kung ang mga koneksyon sa pulitika ang susuriin, malalamang pinakikinabangan ng political clans ang pananatili sa kapangyarihan.
Tulad na lang ng ibinalita ng Ibon Foundation na kwestyonableng memorandum of agreement ng Philhealth sa Tingog Party-list ng asawa ni House Speaker Martin Romualdez na si Yeda, at ng Development Bank of the Philippines, para raw sa rural health financing program ng Romualdez party-list.
Binatikos din ng Ibon ang nabulgar na P138M budget para sa anniversary ng Philhealth, December nung isang taon.
Sa report ng Philippine Daily Inquirer, ipinagtanggol pa ng Philhealth ang malaking anniversary budget. Pero sa pagtuligsa ng netizens, civil society at oposisyon, tinapyasan ang ambisyosong anniversary budget.
Isa lang ang Philhealth sa mga ahensya na may anomalya na nalantad sa pamumuno noon ni Duterte, at ngayon naman, ni Marcos Jr.
Binabatikos din ang malalaking Confidential at Intelligence Funds ng mga politikong dikit sa dalawang higanteng clans.
Ito ang ilan sa mga bagay na ayon sa mga kritiko at advocacy groups, ay patuloy na nagsasalang sa kanilang kalusugan sa isang banda, at nagpapahirap sa kanilang kabuhayan, sa kabilang banda.
Ang anak ni Luigi na lalaki, wari’y sumunod sa kanyang yapak sa pagiging OFW at ngayon ay nasa Milan bilang brand manager ng isang US-based company.
“Desisyon niyang mag-isa ang lumayo. Mas nakikita niya ang pag-unlad niya sa ibang bansa,” sabi ni Luigi.
Nananatili pa ring hamon sa gobyerno at mga kandidato ang pag-ahon sa kahirapan ng maraming Pilipino.
Batay sa December 2024 survey ng Social Weather Stations, 63% o anim sa bawat sampung pamilyang Pilipino ay nagsabing naghihirap sila.
Sa report ng ABS-CBN, lumalabas na merong 17.4 million pamilyang Pilipino ang dumaranas ng kahirapan.
Isa sa itinuturong dahilan ang pananatili sa kapangyarihan ng mga political dynasty o mga pamilya na ipinapasa ang panunungkulan sa gobyerno sa mga sumusunod na henerasyon para ipagpatuloy ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Mismong 1987 Philippine constitution ang nagpatigil sa pamamayagpag at pandarambong ng political dynasty, Article II Section 26:
“The State shall guarantee equal access for public service, and prohibit political dynasties as maybe defined by law.”
Walang implementing law na particular na magdedetalye sa pagpapatupad ng mandato ng saligang-batas kaya patuloy na naghahari ang political families.
Karamihan kasi sa mga mambabatas ay mula sa traditional political clans. Hindi nila papayagan magkaron ng batas na magbabawal sa myembro ng angkan na kumandidato para sa posisyon sa pamahalaan.
Sa pagsisiyasat ng Philippine Center for Investigative Journalism October 26, nung isang taon, 80% o 8 sa bawat 10 kongresista ay kabilang sa political dynasty.
216 sa 253 distrito sa Pilipinas ay kinatawan ng mga indibiduwal na may isa o higit pang kamag-anak na nahalal sa pwesto noon o sa kasalukuyan.
Kung iisa-isahin naman ang 23 incumbent senators, 17 sa kanila ay parte ng political clans.
Sa hiwalay na research ng PCIJ noon ding nagdaang Disyembre, 71 sa 82 incumbent governors ay mga dynast.
Sa datos na inilabas ng PCIJ kaparehong buwan 2024, ang 66% o 36 sa 54 party-list groups ay may koneksyon sa political families.
Sa botohan para sa party-list ngayong 2025, inilantad naman ng convenor ng election watchdog, Kontra Daya, na si Prof Danilo Arao na 86 sa 156 o higit 55% ang may nominees na kasama sa political dynasty (Tingog Sinirangan ng asawa at anak ni Speaker Romualdez, 4Ps Party-list ni Cong Marcelino Libanan at mga anak); big business (TGP Party-list, 1Pacman Party-list); police-military (Duterte Youth, PBBM at Patrol Party-lists) at kahina-hinalang party-list.
Nag-aalala si Arao, “sobra sa kalahati ng tumatakbong party-list groups ay hindi kumakatawan sa mahihirap.”
Nauna nang inapela ni Arao at iba pang electoral reforms advocacy groups na ibalik ang orihinal na layunin ng RA 7941 para masiguro ang representasyon ng mga mahihirap na sektor ng lipunan.
“Constitutional and legal experts should challenge the 2013 Supreme Court ruling (na binago ang intensyon ng batas Party-list),” hamon pa ni Arao.
Obserbasyon ni Rhoderick Ople, presidente ng OFW Watch Italy, “kalakhang pananaw ng isang OFW ay pag-exercise ng kanilang karapatang bumoto. Lahat ay naghahangad ng pagbabago, pag-unlad at kapayapaan.”
“Ang siste,” pagpapatuloy niya, “ang panukat para pumili ng tamang tao na iluluklok sa poder ang problema. Nababaluktot ang pamantayan, tahasang kinakaligtaan ang mga bukambibig na batayan sa pagpili. Andyan pa rin ang political patronage,.. tinatangkilik ang dinastiya.”
![Sa kasagsagan ng pagtutol ng OFWs sa dagdag singil sa kontribusyon sa PhilHeatlth 2020, nanawagan ang OFW Watch sa pamumuno ng kanilang presidenten na si Rhoderick Ople na ibasura ang kautusan. [Photo courtesy: Rhoderick Ople]](https://static.wixstatic.com/media/feef9f_d50bfc4e86d041cfbd99306be71be250~mv2.jpg/v1/fill/w_720,h_350,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/feef9f_d50bfc4e86d041cfbd99306be71be250~mv2.jpg)
Mapait na binalikan ni Ople ang nagdaang People Power, “Ilang dekada matapos ang EDSA uprising, lalong naghirap ang Pilipinas, andyan pa rin ang kawalang trabaho at sahod na di nakabubuhay, problema pa rin ang presyo ng bigas at mga bilihin, mataas na pamasahe at matrikula, talamak pa rin ang krimen at paglabag sa karapatang pantao.”
Sa pagsusuri ni Arao, ang darating na mid-term polls ay konsolidasyon at build up ng Marcos Jr camp para matiyak ang kanilang panalo sa 2028 presidential elections at mapanatili ang status quo.
Sa Mayo rin masusukat kung malakas pa rin ang impluwensya ng mga Duterte sa gitna ng pagkaka-aresto ng ICC sa dating Pangulong Duterte at nagbabantang impeachment kay Vice President Inday Sara sa susunod na kongreso.
Ang darating na halalan ay may palalim na representasyon ng dalawang naglalabanang superpowers – ang US at China.
Kung paano tahasang tinutugunan ng Marcos Jr camp ang mga imposisyon ng US government at paglaban ng dalawang bansa sa agresibong panghihimasok ng China sa West Philippine Sea, lantad din ang suportang ibinibigay ng China sa Duterte administration noon hanggang ngayon na sinusuklian ng pagsunod ng nagdaang pamamahala sa pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Proxy war?
Ang Marcos Jr camp, pilit na dudurugin ang kalabang dynasty habang ang Duterte camp, igigiit ang paghahari-harian sa bayan.
Kung ang latest Pulse Asia survey nitong March ang pagbabasehan, nangunguna na ang dalawang Duterte allies – sina Sen. Bong Go at Bato Dela Rosa na nasa Top 3.
Nakaamba ring pumasok sina Philip Salvador at Rodante Marcoleta.
Ibig sabihin may tsansa na makabalik sila sa senado at madagdagan pa ng kakampi na maaaring magpalakas para maharang ang impeachment complaint kay VP Sara at i-pressure ang International Criminal Court.
Ganunpaman, pumasok ang mga kandidato ng Marcos camp na kasama sa slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas – sina Erwin Tulfo, Vicente Sotto III, Pia Cayetano, Ramon Revilla, Panfilo Lacson, Abby Binay, Lito Lapid, Manny Pacquiao at Camille Villar, kahit kwinestyon ang prinsipyo.
Sa report ng Balitang Klik, April 14, pinuna ni Bagong Alyansang Makabayan President Renato Reyes Jr si Villar na nagsabing iaabswelto niya sa VP Sara sa impeachment kapalit ng kanyang endorsement.
Nagpapicture pa si Camille kay VP Sara.
Para kay Reyes, hindi nararapat iboto ang tulad ni Villar na hindi panghahawakan ang katotohanan at pananagutan sa impeachment trial.
Nasa winning circle din sina independent candidates Ben Tulfo at Willie Revillame habang nasa oposisyon si Bam Aquino ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino.
Kaya kung tutuusin, may lima o higit pa ang konektado sa oposisyon.
Kung si accountant Kim ng London ang masusunod, gusto niyang “maisabatas ang Anti-Dynasty Bill.”
Si Luigi ngayon ay nasa Grab Airport gamit ang bagong sasakyan na bunga ng pagsisikap ng mga anak. Simple lang hiling niya sa mga mananalo sa Mayo, ang “maglingkod ng buong puso at hindi magnakaw.”
Anumang kampo ang magdomina sa Mayo, pinangangambahang ipagpapatuloy lang nila ang mga hinihinalang pagpapayaman mula sa pera ng bayan, panunupil sa mga karapatang pantao para mabantayan ang kapangyarihan, at higit sa lahat, maitaguyod ang agenda ng mga higanteng dayuhan sa bansa na kanilang pinapaboran – Amerika man o Tsina. Sino man ang manaig, parehong isasalang ng dalawang superpowers na ito sa seryosong panganib ang Pilipinas at mga Pilipino.
Paalala ni OFW leader Ople, “kung magpapatuloy ito, hindi na makakaahon sa kumunoy ng kahirapan ang bayan. Yan ay kung hindi matututo ang mga botante na pumili ng kandidatong makabayan, makamasa at may pambansa demokratikong programa.”
Sa huli, nasa kamay ng mga Pilipino ang pag-asa para mangyari ang mga pangarap nila sa pamilya at bansa na bibitbitin, ilalaban at ipapanalo ng kanilang mga kandidato – na masusing pipiliin batay sa kanilang prinsipyo, programa ng gobyerno at track record.
###
Comments