By Sandra Sotelo Aboy, Spain
Ang gusali ng opisina ng Konsulado ng Pilipinas sa Barcelona Photo credit: Sandra Sotelo
BARCELONA -- Tiniyak ng Konsulado ng Pilipinas sa Barcelona na makakatanggap ang mga Pilipino ng tulong mula sa gobyerno ng Espanya at Pilipinas sa gitna ng coronavirus crisis sa bansa.
Ayon kay Consul Rona Goce ng Barcelona, “ginarantiya ng gobyerno ng Espanya na lahat ay tutulungan. Walang magugutom, at walang dapat ipangamba ang mga walang papel habang nasa ilalim ng lockdown.”
Maraming mga Pilipino ang apektado matapos magsara ang mga kumpanya at mga negosyo na pinapasukan nila sa ilalim ng lockdown. Nadamay rin ang karamihan sa ERTE o pansamantalang tigil trabaho kaugnay ng ibinabang State of Alarm sa Espanya mula ika-14 ng Marso.
Naglabasan ang mga hinaing ng mga Pilipino sa Barcelona na patuloy pa rin ang pagdating ng kanilang bayarin tulad ng renta sa bahay o hipoteca, bayad sa tubig, ilaw, telepono at gas bagamat nawalan na sila ng trabaho. Marami pa rin umano silang alalahanin tulad ng bayaran sa eskwela, buwis, insurance at iba pa kaya ang iba sa kanila ay isiniwalat na ito sa social media.
Kaya naman nagpatawag ng isang video conference sa community ang Konsulado na pinangunahan ni Consul Goce para makipagpulong sa mga Filipino community leaders ng Barcelona, Valencia, Tarragona at Ibiza para pag-usapan ang mga isyu na kinakaharap ng mga kababayan.
Kasama rin sa nasabing pulong ang ilang konsehala sa Barcelona City Council na sina Natalia Martinez at Jessica Gonzales, si Honorary Consul sa Valencia na si Atty. Manuel Carrion at ilang opisyales ng POLO na si Labor Attache Joan Lourdes Lavilla at OWWA officer Maria Corazon Sangco.
Dumalo din sa nasabing pulong ang EAMISS na isang Social Service Pinoy Association sa Barcelona nina Jossie Rocafort at Fe Alma Sagisi na tumulong sa pagpaliwanag hinggil sa mga tulong na iniaabot ng Ayuntamiento o City Council.
Nagpaliwanag din sa pulong si Honorary Consul Atty. Carrion sa mga usapin sa renta ng bahay na naglahad ng mga requirements para makatanggap ng ayuda at ang pansamantalang pagsuspinde ng alin mang juicio o eviction. At para sa mga naglalakad ng kanilang papeles, suspendido muna ang processing at walang anumang penalty kapag wala o expired na ang kanilang mga papel.
Sa panig ng EAMISS, inilahad nila ang mga patakaran sa Seguridad Social at kung paano makakuha ng ayuda kahit sarado ang mga pampublikong institusyon. Ayon sa kanila, maaaring makipag-ugnayan sa kanila ang sinumang nangangailangan ng tulong at sinabing may mga comedor social ang ayuntamiento na puwedeng puntahan para makahingi ng pagkain. Dagdag pa nito, hinanda rin ang La Fira de Montjuich at Dos de Mayo no.17 para pansamantalang matuluyan ng mga walang matulugan.
Kinumpirma din ng POLO at OWWA na may tulong na ibibigay ang kanilang opisina mula sa pamahalaan sa Pilipinas at ito ay ibabahagi sa oras na dumating at ma-define na ang mga procedure at requirement.
Nagpaalala rin ang Konsulado sa mga kababayan na gustong mag-boluntaryong tumulong sa mga kababayan gaya ng paghatid ng pagkain sa mga hindi makalabas na makipag-ugnayan sila upang ma-organize at mapag-aralan ang pagkuha ng permit mula sa awtoridad para sa ganitong mga gawain.
Tiniyak din ni Honorary Consul Atty. Carrion sa mga domestic workers, autonomo o free-lance at mga nabawasan o nawalan ng trabaho na sakop sila ng tulong mula sa gobyerno ng Espanya.
Paalala naman ng ilang Filcom representatives na mahalaga na “paghandaan din ng mga kababayan ang magiging buhay matapos ng lockdown dahil siguradong mahaba ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.”
Napagkaisahan sa miting na magkaroon pa ng mga susunod na pagpupulong para lalong matalakay ang mga isyu ng mga Pilipino na apektado sa lockdown at alamin ang karagdagang impormasyon sa mga Facebook page ng Philippine Embassy in Spain, Philippine Consulate General in Barcelona at EAMISS.
TAGS: #COVID19 #coronavirus
Kommentare