top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

OFWs Pinayuhan, Election Laws Sundin

Ni Gene Alcantara


Pinaalalahanan ng Commission on Elections ang mga OFW na nangangampanya at boboto sa iba-ibang bansa na sundin ang umiiral na batas para hindi magkaproblema ngayong eleksyon.

Patuloy kasing tumatanggap ng mga tanong ang mga awtoridad mula sa mga botanteng OFW tungkol sa detalye ng pagboto at pangangampanya.

Kasama sa mga madalas tanungin ang mga pwede at hindi pwedeng gawin ngayong halalan, tulad ng pamimigay ng leaflets o pagsusuot ng mga damit na kulay ng mga kandidato.

Nung nagdaang Miyerkoles, March 9, 2022 , nilinaw ng COMELEC ang ilang probisyon sa botohan at bilangan sa panahon ng eleksyon.

Pinagbasehan ng COMELEC ang Resolution No. 10766 o Amendments to General Instructions for the Overseas Voting for Purposes of the May 9, 2022 National and Local Elections.

Gaganapin ang halalan sa Pilipinas sa May 9, 2022.

Ang botohan naman sa abroad ay gagawin sa loob ng isang buwan mula April 10 hanggang May 9.

Sa COMELEC Resolution 10766, kailangan ipaskil ng embahada o konsulado sa matataong lugar at i-publish sa kanilang website ang Certified List of Overseas Voters.

Meron ding instructions kung kalian, saan at paano nila matatanggap ang kanilang balota.

Sa in-person o personal voting, kailangang papirmahin ang botante sa List of Voters.

Kailangan ding pirmahan ng embahada ang official ballot patunay na authentic ito.

Hindi man ma-authenticate, valid pa rin ang balota. Ibig sabihin mabibilang pa rin ang boto pero mananagot ang embahada dahil election offense ito.

Papipirmahin din ng embahada ang botante sa List of Voters.

Sa Postal voting, ipinaliwanag ng Comelec ang gagawin sa overseas voters na wala o hindi kumpleto ang address, hindi nagbigay ng address, o inilagay ang address bilang “c/o Philippine Embassy/Consulate”.

Kung walang address ang botante o kung ang address ay “c/o Philippine Embassy/Consulate, kailangan maglabas ng hiwalay na listahan ang embassy na nakalagay ang kanilang mga apelyido at initials ng pangalan, at apelyido ng ina.

Ilalabas ito sa embassy website kasama ang instructions kung paano kokontakin ang Embahada para makuha ang kanilang balota.

Paalala ng Comelec sa lahat, bagaman ang paggamit ng campaign materials at limitasyon sa gastos sa kampanya ay sakop ng batas ng Pilipinas, kailangan ding sumunod kung may katulad na batas ang host country.

“Candidates, party-list groups, and political parties shall be responsible for complying with the host countries’ laws on political gatherings, public assemblies, mass movements, and other similar activities,” ayon sa resolusyon.

Nagbabala naman ang Comelec na bawal magkampanya sa loob ng botohan o sa loob ng 30-meter radius.

“For any person who solicits votes or undertakes any propaganda during the thirty (30)-day overseas voting period, for or against any candidate or any political party, within the polling place or within a radius of thirty (30) meters thereof,” ayon sa resolution.

Ibig sabihin, pinapayagang magkampanya sa labas ng 30 meter radius ng embahada o konsulado kahit voting period.

Para maiwasan ang reklamo o gulo, pinapayuhan ang mga kababayan na pupunta sa Embassy o Consulate na magsuot ng damit na neutral ang kulay, walang pangalan o slogan ng kandidato.

Pwede lang mangampanya suot ang kulay ng kandidato o paraphernalia na may pangalan ng kandidato sa labas na 30 meters ang layo sa botohan.

Basahin po ang buong Resolution no. 10766 sa link na ito:


[Note: Ang bawat Embassy o Consulate ay may mga opisyal na nakatalaga para magpatupad ng Comelec rules halimbawa ay Special Board of Election Inspectors (SBEI) o Special Ballot Reception and Custody Group (SBRCG). Meron ding Special Board of Canvassers (SBOC).]

END



172 views0 comments

Comments


bottom of page