top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Mga Pinoy sa Italya, nagkansela ng byahe sa Pilipinas dahil sa travel ban kaugnay ng Covid-19

Updated: Mar 9, 2020


Mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport. Kuha ni Mye Mulingtapang

MILAN - Walang magawa ang ilang mga kababayang Pinoy kundi ikansela na lamang ang kanilang mga nakaplanong biyahe pauwi sa Pilipinas dahil sa pagpapatupad ng travel ban ng slang airlines sa mga pasahero mula sa Italya. Ngunit para sa ilan, ang pangambang ipasailalim sa quarantine ay sapat na ring dahilan sa pag-desisyon na ipagpaliban na lamang muna ang pagbakasyon.


Naudlot ang reunion ni Analene at kanyang mga anak dahil sa travel ban. Balak sana ng kanyang asawa na umuwi ng isang linggo para sunduin ang dalawang anak matapos siyang bigyan ng bakasyon ng kanyang employer. Pero minabuti nilang ipagpaliban na lamang ang pag-uwi kahit di muna nila makasama ang kanilang mga anak.


"Hindi pa kami nakakabili ng ticket. Kasi may visa na ang mga anak ko na pumunta rito gawa ng petisyon namin sa kanila. One week lang ang pwede niyang kuning bakasyon at natatakot nga siyang baka ma-quarantine pa," ayon kay Analene."

Pauwi rin sana noong February 28 si Renato Diaz (hindi tunay na pangalan) para bisitahin ang kanyang bahay sa Batangas na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal pero nag-desisyon na siyang huwag na munang tumuloy.


"Nagdesisyon ako na i-cancel (na lamang ang pag-uwi ) dahil nag-alala akong baka lumala ang sitwasyon ng nCov. Baka maipit ako sa atin at di makabalik dito," dagdag niya.

May pangamba rin si Tanya Arceo na i-biyahe ang kanyang dalawang taong gulang na anak kaya minabuti niyang ipinagpaliban ang bakasyon sa Pilipinas.


"Kaming mag-anak sana nung Feb 1 pa (uuwi). Pero hindi na ako tumuloy ng baby ko gawa ng Covid-19."

Sa kabila ng banta ng Covid-19, may ilang pa ring kababayan ang nais na makipagsapalaran at umaasa na magbabago pa ang patakaran ng airline.


"Nag email naman ako sa kanila mismo at all flights naman daw nila Malpensa to Manila ay ok pa. Praying na huwag magbago,” ayon kay Len Santos.

Pero si Carlos Santiago (hindi tunay na pangalan) buo man ang desisyong umuwi ay tinanggap na rin na imposible na itong maisakatuparan dahil sa travel ban.


"Nakakabahala lang kasi sa mga news. Kung hindi 18 days lang ang i-uuwi ko at (kung ma-)quarantine pa ng 14 days, ilalaban ko pa sana sa kapalaran basta makakauwi lang,” ayon kay Santiago.

Malaki na ang epekto ng travel ban sa travel industry dulot ng Covid-19 outbreak. Ayon sa International Air Transport Association (IATA), halos nasa $63 billion ang maaaring malugi sa airline industry at maaring umabot pa sa €113 billion kung magpapatuloy ang pagkalat ng COVID-19. Sa kasalukuyan, may 81 bansa na ang may kumpirmadong may kaso ng COVID-19 ayon sa report ng World Health Organization (WHO) noong March 4, kung kaya mahalagang alamin muna ng mga biyahero sa IATA website kung may travel ban at restrictions na ipinatutupad sa bansang pupuntahan.


Ulat ni Mye Mulingtapang



30,276 views0 comments

コメント


bottom of page