top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Mga Pinoy, naguluhan sa mga regulasyon sa lockdown sa Espanya


Ulat ni Sandra Sotelo


Spain--Sa unang araw ng pagpapatupad ng lockdown sa Espanya, hindi naging malinaw para sa mga kababayang Pilipino kung ano ang saklaw ng bagong katuusan. Ayon kasi sa batas, bawal lumabas ng bahay maliban na lamang sa pagbili ng pagkain at gamot, pagpunta sa trabaho o bangko at iba pang mga mahahalagang lakad.


Patungo sa supermarket para mamili ng groceries si Angelica Dimaiwat kasama ang kanyang asawang si Aldro – nitong linggo nang masita sila ng pulis dahil bawal lumakad nang magkasabay.


“Nag-observe naman kami ng social distancing. Nauunang maglakad ang isa sa amin, pero sinita pa rin kami ng pulisya,” ayon kay Dimaiwat.

Ayon pa sa kanya, sinabihan siya ng asawa na baka raw mabigatan sa pagbitbit ng mga pinamili kaya sinamahan siya at in-observe naman nila ang one-meter distancing.


Pero kahit may ibayong pag-iingat, “dahil nga sa bawal ang magkasama sa paglalakad, pinauwi ang isa sa amin,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kanya, may guwardya sa mga supermarket na nagko-control ng mga papasok. Paisa-isa lang diumano ang pinapasok para hindi mapuno sa loob at bawal ang hoarding at restricted ang pagbili ng ilang items.


Ang ilan pang restriction na ipinatutupad ay sa paggamit ng kotse. Isang tao lang ang puwedeng gumamit o sakay, maliban kung ito ay pagpunta sa trabaho o pag alaga ng matanda o may kapansanan. Ang mga pampublikong bisikleta at patinete ay kasalukuyang suspendido. Kahit sa sasakyang pampubliko, dapat ay may social distancing. Bawal din ang mag-jogging kahit pa mag-isa pero maaring ipasyal ang aso para sa kanilang pangangailangan ngunit isang tao lang ang puwedeng gumawa nito, at panandalian lang at dapat bantayan ang distansya sa iba pang makakasalubong.


Ipinagbabawal rin ang pagbisita sa mga kamag-anak at kaibigan subali’t pinahihintulutan ang pagtulong at pag-alaga sa mga matatanda, menor de edad, at mga taong may kapansanan.


Mahigpit rin ang pagpapatupad ng lahat na ito kaya para sa mga kababayan na tuloy ang pagtrabaho, kailangang humingi ng certificate sa mga employer bilang patunay na sila ay kailangang lumabas at bumiyahe para mag-trabaho. Sa mga nag-aayos ng kanilang resident permits, maaring ipakita ang pasaporte at Yellow Card galing sa Konsulado at ipaliwanag na papunta ng trabaho kung sila ay masita sa daan.


Ang mag-asawang Oscar Sanchez at Nerlyn Fabian na taga Brussels sa Belgium ay inabutan ng lockdown habang nagbabakasyon sa Sevilla. Wala silang kamalay-malay na ipinag-utos na ang lockdown at lahat ng turista ay maaaring i-quarantine.


“Namasyal pa kami sa paligid pero sarado ang mga tindahan at maraming pulis na nakakalat,”ayon ki Nerlyn.
“Nag-FB live pa ako. Buti na lang napanood ng kaibigan ko at sinabihan ako ng sitwasyon sa Espanya. Dali-dali kaming bumili ng pagkain at bumalik sa hotel,” dagdag niya.

Minabuti nilang bumalik na lang sa Brussels bago tuluyang isara ang siyudad.


Hindi rin naging malinaw kung bukas ang mga bangko kaya may mga nagtatanong sa social media. Dahil dito, naglabas ng pahayag ang mga bangko na bukas sila ngunit pinayuhan ang mga customers na gumamit ng online transactions at iwasan ang pagpunta sa bangko at mas mabuting humingi muna ng appointment bago pumunta.


Bagama’t hindi kabilang ang mga hotel sa total closure ng mga establishments, nagbigay na rin ng pahayag ang mga hotel chains na hindi na muna sila tatanggap ng mga bagong reservations at booking. Ayon sa kanila, tatapusin na lamang ang natitirang kliyente habang ni-rerekomenda ang maagang pag-alis.


Si Cynthia Gonzales, na-stranded naman sa Tarragona kung saan nagtrabaho siya ng ilang araw. Dahil sa lockdown, minabuti na rin niyang manuluyan sa kaibigan hanggang sa lumuwag ang mga sasakyan pabalik sa Barcelona.


“Uuwi sana ako pagkatapos ng trabaho ko. Pero dahil nabawasan ang biyahe ng tren, hindi ko na naabutan yung huli. Kaya dito na lang muna ako sa kaibigan ko.”, ani ni Cynthia.

Nanawagan naman ang Embahada ng Pilipinas sa Madrid, na i-respeto ang mga kautusan ng gobyerno ng Espanya. Ayon sa kanila, mahalagang sundin ang mga regulasyon ng quarantine at kung kailangang lumabas, mag-observe ng sapat na social distancing.

Samantala, nagpadala na ang gobyerno ng 2600 sundalo sa 48 siyudad sa bansa para tumulong sa pag-patrulya sa kalye at pag-disinfect ng mga kritikal na mga lugar tulad ng mga pagamutan.


Sa mga ilang zona, mayroon ring mga police patrol cars na nag-papaalala sa mga tao gamit ang megaphone na manatili sa loob ng kani-kanilang bahay.


Itinatayang umabot na sa 200 katao ang lumabag sa restriction sa Madrid sa unang araw ng pagpapatupad ng lockdown. Walang opisyal na ulat ang mga awtoridad dito kung may mga kasamang Pilipino na nahuli sa paglabag ng kautusan.


Sa Barcelona, 123 ang pinatawan ng multa ng Guardia Urbana habang 2000 naman ang binigyan ng warning. Ang multa sa siyudad sa paglabag ng quarantine ay mula 100 euros o mahigit 5600 pesos (conversion rate:1€ =56,61 PHP) hanggang 600,000 euros o halos 34 million pesos o kaya ay pagkakulong mula tatlong buwan hanggang isang taon.


Mag-asawang Oscar Chavez at Nerlyn Fabian ng Belgium inabutan ng lockdown sa Espanya habang nagbabakasyon.


221 views0 comments

Comments


bottom of page