top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Mga Pinoy mula sa karatig na rehiyon ng Lombardy, pabor sa lockdown


TORINO — Pabor ang ilang Filipino community leaders mula sa rehiyon ng Piemonte at Liguria sa ipinatupad na ‘lockdown’ sa Lombardy na naglalayong mapigilan ang paglaganap ng coronavirus o COVID-19. Sang-ayon din silang ipatupad ang lockdown sa ibang rehiyon.

“Wala namang magawa ang mga tao sa desisyon ng gobyerno sa i-lockdown kahit ayaw natin dahil sila ang mas may alam sa sitwasyon lalo na sa mga hospitals kaya for me, agree ako kung yun ang mabisang solusyon na hindi paglaganap ng Covid sa ibang areas,” ayon kay Rosalie Cuballes, presidente ng ACFIL-Associazone Culturale Filippina del Piemonte.

Nangagamba man daw siya sa kalagayan nila sa Piemonte, tatanggapin nila ang lockdown na maluwag sa loob at sa pananalig sa diyos. “Magprepare na lang ng mga basic food and medicinal needs at sundin ang prevention measures ng government,” dagdag pa ni Cuballes.


Nais naman ni Mario Pedralva, presidente ng Federation of Filipino Associations in Piemonte o FEDFAP, na i-lockdown na rin ang kanilang rehiyon. Ito ay dahil naniniwala siyang ang pag-lockdown sa Piemonte ay ‘para di na magdagdagan ang may virus’. Nanatiling mababa ang kaso ng COVID-19 sa Piemonte kumpara sa Lombardy.


Batay sa datos ng Ministry of Health, may naitalang 4,189 positive cases ng COVID-19 sa Lombardy at 360 sa Piemonte. Sa Lombardy ang may pinakamaraming residenteng Pinoy sa Italy, na may mahigit 58,400. Mayroon namang 6,300 residenteng Pinoy sa Piemonte.

Sa buong Italya, may naitala nang 7,375 kaso ng COVID-19 nitong March 8. Samantala, umabot na sa 366 ang naitalang namatay at 622 ang nakarecover.

Ayon naman kay Efren Domingo, isang OFW sa Turin, para rin sa kabutihan ng lahat ang lockdown. Inamin din niya ang kanyang pangamba sa pagkalat ng virus sa kanilang lugar.

“Takot ako hindi para sa sarili ko kundi dahil sa pamilya ko at kaibigan,” paliwanag niya.


Nalulungkot naman si Nonieta Adena, presidente ng Genova Filcom, sa naging epekto sa kabuhayan ng kanyang mga kababayan.

“Nakakalungkot kasi maraming kapwa OFWs ang apektado. May mga nawalan ng trabaho. Paano ang ibang kababayan na walang kamag-anak na maghahatid ng pangangailangan nila?”, sabi ni Adena.

Sa kasalukuyan ay under control ang paglaganap ng COVID-19 virus sa kanilang rehiyon sa Liguria. Subalit, aniya, may agam-agam na sya na may Pinoy na mahawaan. Mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Liguria, kung saan mayroong 78, kumpara sa ibang rehiyon sa bansa. Mayroon lamang 1,517 residenteng Pinoy sa Liguria.

- Ulat ni Maricel Burgonio

749 views0 comments

Comments


bottom of page