top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Mga Pinoy, apektado na ng malawakang lockdown sa Lombardy

MILAN - Matapos na ipatupad ng gobyerno sa Italya ang lockdown sa kabuuang Lombardy region nitong Linggo ay nagdulot agad ito ng epekto sa ilang mga Pilipino sa rehiyon. Sa negosyanteng si Alicia Lopez (hindi tunay na pangalan) na ngayon ay nasa Pilipinas, nangangamba siya para sa anak na nag-aaral sa Milan. At dahil na rin isinara na ang mga paaralan sa buong bansa, nais sana niyang pauwiin na lamang ang anak ngunit inabutan na ito ng travel ban at lockdown. "Sobrang nag-aaalala ako, naiiyak ako. Wala na ba ako pwede magawang paraan para maiuwi ko anak ko?," tanong ni Lopez. Nabago naman ang ruta ng bakasyon ng turistang si Penelope Visana na naglibot sa iba’t ibang bansa sa Europa at sana’y dadaan ng Milan. Pero minabuti na lang nito na ipagpaliban ang pagbisita sa bansa para maiwasan ang lockdown. “Mas mahirap ma-lockdown, mas matagal mag-stay ka sa Milan. Sabi kasi nila hanggang April 3 eh mas malaking mawawala sa amin kasi may work din naman kami Manila tsaka business din iba,” ayon kay Visana. Imbes na daanan ang Milan sa kanyang ruta, nagdesisyon na lamang si Visana na umuwi nang diretso sa Pilipinas mula Estonia. Bukod sa pagpapasara ng mga paaralan at unibersidad, ipinag-utos na rin ang pagsara ng mga gym, museums at nightclubs sa iba’t ibang lugar sa bansa. Bagamat may malawakang lockdown ay hindi kanselado ang serbisyo ng tren at eroplano. Ngunit mahigpit naman ang pagkontrol ng mga awtoridad sa paglabas at pagpasok sa rehiyon. Kinakailangang kumuha muna ng pahintulot bago payagan lumabas sa lugar at ito ay mapapahintulutan lamang kung ang kadahilanan ay tungkol sa pamilya at trabaho. Nakasaad din sa katuusan sa lockdown na maaaring pigilan ng pulisya ang mga manlalakbay upang suriin ang kanilang mga kadahilanan sa paglabas o pagpasok sa mga lockdown areas. May mga pulis na itatalaga upang masiguro ang pagsunod ng mga mamamayan sa kautusan. Kasama sa isinailalim na lockdown sa buong rehiyon ng Lombardy ang mga probinsya ng Parma, Piacenza, Rimini, Reggio-Emilia, Modena, Pesaro e Urbino, Venezia, Padova, Treviso, Alessandria, Verbano-Cusio-Ossola, Novara, at Vercelli e Asti kabilang na ang siyudad ng Milan at Venice. Ang lockdown ay ipinatupad simula March 8 at tatagal hanggang Abril 3.


Nagpaalala naman ang Philippine Consulate General of Milan sa mga kababayan na igalang ang panawagan ng mga kinauukulan ng Italya sa mahigpit na pagbabawal ng pasgpasok o paglabas sa red zones habang laganap ang pagkalat ng COVID-19.

Ulat ni Mye Mulingtapang


Ang buong rehiyon ng Lombardy ay nasa ilalim ng malawakang lockdown sa utos ni Prime Minister Giuseppe Conte. Kuha ni Mye Mulingtapang #COVID19 #coronavirus #lombardylockdown

897 views0 comments

Comments


bottom of page