Ulat ni Mye Mulingtapang
Milan--Hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga duktor at nars na nakikibaka sa pandemya. Pero bukod sa kanila may mga Pinoy din sa Italya na buwis-buhay at humaharap sa kakaibang digmaan. Hindi man sila ang naglalapat ng lunas sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 ay maituturing pa rin na kagitingan ang serbisyong kanilang ibinibigay.
Isa si Ronnie Perez Bautista, 53 taong gulang, food distribution at cleaning staff sa isang ospital sa Milan na maituturing na frontliner. Sa mahigit isang dekada niya sa trabaho ay ngayon lamang siya nakaramdam ng magkahalong hirap, takot at pag-aaalala sa bawat araw na pumapasok siya sa ospital. Kasama sa trabaho ni Bautista panatilihin na maayos ang rasyon ng pagkain sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 at ang kalinisan ng ospital para sa iba pang frontliners sa laban kontra pandemya.
"Magkahalong takot at karangalan ang naramdaman ko nung malaman ko na ilalagay ako sa ward ng mga covid victims. Takot dahil sa pangamba na baka pag uwi ko ng bahay ay madala ko sa bahay ang virus na maaring makahawa sa aking pamilya. Karangalan dahil sa aking maliit na pamamaraan maari akong maging bahagi ng mga nagsisilbi sa mga nangangailangan ng kalinga," sabi ni Bautista.
Kahit mahigit 16 na oras sa trabaho dahil sa dami ng order ng grocery at iba pang food items, hindi ito alintana ni food delivery worker na si Mike Zamora at iba pang kasamahang Pinoy masigurado lamang ang serbisyo sa mga nangangailangan lalo na ang mga matatanda at may kapansanan.
"Nalungkot at nag-alala din kami kasi alam namin ang consequences at ang mga peligro sa haharapin namin na sakuna. Pero higit sa lahat nanatili pa din sa amin ang loyalty sa trabaho namin dahil alam namin mas kailangan kami ngayon hindi lang ng company namin kundi pati ng mga pamilya na umaasa sa mga dinedeliver naming pagkain sa kanila, lalo na ang mga matatanda na hindi na kayang bumaba sa bahay para mag-spesa (grocery)," sabi ni Zamora.
Ang mga Pinoy delivery drivers sa Milan exposed din sa panganib na dulot ng COVID-19. Mula sa pagkuha ng mga kahon sa mga eroplano, trucks at warehouses hanggang sa pagdedeliver nito sa mga kliyente. Sila ang naghahatid ng pagkain, gamot at panglilinis ng mga kagamitan sa mga hospitals, pharmacies at mga kabahayan sa buong Italya. Pero ang mga katulad nilang essential workers may takot man na nararamdaman ay mas pinipiling maglingkod.
"Noong nalaman po namin na kasama po kami sa mga magtatrabaho pa, kami po ay nangamba at nalungkot kasi sa bawat kahong aming kinoconsegna (dinedeliver) ay buhay po o sakit ang katumbas," sabi ng delivery driver na si Mike Serran.
Round-the-clock na serbisyo naman ang hatid ng mga warehouse emloyees gaya ni Jes Arambulo para masigurado na maayos ang mga produkto at pagkain na kailangan ng mga tao ngayong panahon ng lockdown sa italya. Hindi alintana ang pagod, puyat at pangamba sa gitna ng pandemya.
"Kinakabahan kame pero thankful parin kami kasi may trabaho parin kami at alam namin para sa pamilya namin to at para sa lahat," sabi ni Arambulo.
Ang 48 taong gulang na si Nelson Zapanta nagtatrabaho naman sa subway service depot ng ATM Line 1 sa Milan bilang cleaning supervisor. Sinisigurado niya na ang bawat bagon ng tren ay malinis bago sumakay ang mga commuter.
"Patuloy pa din ang trabaho ko ngayon kahit na lockdown dito sa Italia dahil sa Covid-19. Dahil sa pagmamahal ko sa trabaho ko ay hindi ko na inalintana kung ano ang risk. Ako na nag-iisang Pinoy at ang buo kong team na ibat' ibang lahi ay kelangan namin siguraduhin na ang train na pampublikong transportasyon ay malinis para sa mamamayan ng Milano," sabi ni Zapanta.
Walang may alam kung kailan matatapos ang peligrosong laban kontra COVID-19. Pero saksi ang buong mundo sa kagitingan ng mga Pinoy na nag-aalay ng buhay para sa kabutihan ng nakararami.
Comentarios