NORTH RHEIN, WESTPHALIA - Wala daw dapat ipag-panic ang mga Pinoy sa Covid-19 outbreak sa North Rhein,Westphalia kahit naiulat na dalawa na ang namatay dahil sa nakakahawang sakit. Kaya naman kahit naglabas na ang Department of Health sa Alemanya ng paalala sa mamamayan na ipagpaliban na muna ang pagdalo sa malakihang pagtitipon ay dumalo pa rin ang mga kasapi ng Babaylan Germany sa International Women’s Day celebrations sa North Rhein, Westphalia.
Ayon kay Mary Lou Hardillo, tagapangulo ng Babaylan Germany, dapat manatiling kalmado ang mga kababayan sa gitna ng epidemya. Ngunit nagpaalala rin ito na gumawa ng mga hakbang para makaligtas sa sakit.
“Good information and rational thinking is very crucial in stopping an epidemic,” ayon kay Hardillo.
Idinagdag pa niya na kung kaya naman ay bawasan muna ang pagdalo sa mga events halimbawa sa malalaking piging at gumamit ng bisikleta sa halip na public transport.
Ayon sa Department of Health ng Germany, 1139 na ang positibo sa Covid-19 virus sa buong bansa, at dalawa na ang namatay kabilang na ang isang 89-taong gulang na taga-Essen at 78-taong gulang mula Heinsberg.
Ang siyudad ng North Rhein sa Westphalian state ang may naitalang pinakamataas na bilang na kaso ng Covid-19 na kung saan 484 katao ang nag-positibo sa Covid-19. Sinusundan ito ng Bavaria na may 256 kaso, Baden-Würrtemberg na may 204 naman na kaso at ang Berlin na nagtala ng 48 na kaso.
- Ulat ni Jessica Gross
Babaylan Germany Kuha ni Pinay von Alemanya
Comments