top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Lombardy region nakatakdang isailalim sa lockdown

Updated: Mar 9, 2020


MILAN - Kasunod ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 na umabot na sa 5,833 sa buong Italya ay nakatakdang magpalabas na ng kautusan ang gobyerno na isailalim ang buong rehiyon ng Lombardy sa lockdown. Ayon sa ulat na inilabas ng Agenzia Nazionale Stampa Associata ipapatupad ang lockdown simula March 8 hanggang April 3.


Ayon sa report, nakasaad sa inihandang draft decree na hinggil sa lockdown, hindi pahihintulutang pumasok o lumabas ang sinuman mula sa apektadong rehiyon. Nauna nang ipinailalim ang ilang probinsya sa Lombardy sa “red zone” areas.


Kabilang sa itinakdang isailalim sa lockdown ay ang Milan, Modena, Parma, Piacenza, Reggio Emilia, Rimini, Pesaro, Urbino, Venice, Padua, Treviso, Asti, at Allesandria para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng sakit.


Ikinabahala naman ni Paul Ramos na isang events organizer sa Milan ang planong ipasailalim ang Lombardy sa lockdown.


“Alarming na sya. Yung Idea na ma-lockdown pa lang nakakatakot na ibig sabihin ganun na kalala? “

Nalulungkot umano siya dahil malamang na malaki ang epekto nito sa mga kababayang mawawalan ng hanapbuhay lalo na yung mga nagtratrabaho ng “no work, no pay” sa Lombardy.


Ayon naman kay Ellen Magbuhos na nagtratrabaho sa isang restaurant, ramdam na nila ang epekto ng mga isinasagawang hakbang ng gobyerno sa pagsugpo ng outbreak. Naging matumal na raw ang kanilang negosyo dahil sa paghihigpit.


"Sa business eh napakalaking epekto. Lahat ay cancelled (na) ang aming event. Kakaunti ang kliyente minsan wala pang tao,” ani Magbuhos.

Kanselado pa rin ang klase sa lahat ng paaralan at unibersidad sa buong Italya. Naiulat na rin na maging ang Italian Democratic leader na si Nicola Zingaretti ay nagpositibo sa Covid-19 virus.


Naglaan na rin ng 7.5 milyong euro na pondo ang gobyerno bilang suporta sa sistemang pangkalusugan at ekonomiya ng bansa.


Umaabot na sa 168,292 ang mga Pinoy na nasa Italya at ang 58,408 dito ay nakatira sa Lombardy region ayon sa Istituto Nazionale di Statistica o ISTAT.


Ulat ni Mye Mulingtapang




Dahil sa banta ng COVID-19 kapansin-pansin na halos walang tao sa Duomo Square.

Kuha ni Jackie de Vega

3,426 views0 comments

Comments


bottom of page