DRAMMEN - Isang pasyente na infected ng Covid-19 virus ang isinugod sa ospital sa Drammen, Linggo ng gabi, dahil di umano sa paglala ng kanyang kondisyon. Ito ang kauna-unahang kaso na dinala sa ospital ang isang pasyente kaugnay ng coronavirus outbreak sa Norway.
Ngayong Lunes, apat na kaso pa ang naiulat na isinugod sa iba’t ibang ospital sa bansa dahil sa paglalang kondisyon ng mga naunang naka-home quarantine.
Bago nito, lahat ng Covid-19 patients ay pinapayuhan lamang na mag-home quarantine dahil sa banayad naman ang kanilang mga sintomas. Karamihan sa mga kaso ay nahawa mula sa pagbiyahe sa Italya.
Para protektahan ang pribadong buhay ng kanyang pasyente, hindi naglabas ng anumang detalye ang ospital bukod sa pagkumpirmang ito ay nasa kanilang pangangalaga.
Kasunod ng paglaki ng bilang ng kaso sa siyudad, nagpalabas ng kautusan ang Drammen commune na bawal na muna ang pagkamay at pagyakap bilang paraan ng pagbati.
Naghahanda naman ang Rikshospitalet, isang ospital sa Norway, para tumanggap ng mga pasyente sa kanilang special intensive unit. Ayon sa panayam kay Rikshospitalet clinic chief Øyvind Skraastad ng VG, isang pambansang pahayagan, sinabi nitong natuto na sila sa karanasan ng Italya at ikinababahala nila ang mga reports ng tumataas na bilang ng mga may malubha at kritikal na pasyente doon.
Sa panayam sa Pinoy healthworkers ng Pinoy Portal Europe, may pangamba ang ilan na hindi handa ang healthcare facilities tulad ng ospital sa isang pandemic dahil di nakalatag ang mga protocol at ngayon pa lang ito inihahabol para makatugon sa outbreak.
Binatikos rin ni Bjørg Marit Andersen na isang dating chief doctor sa Infection Diseases ng Olso University Hospital Ullevål ang pamahalaan sa kawalan nito ng kahandaan na sugpuin ang outbreak gaya ng kanilang pagtugon sa epidemia sa SARS noong 2003, birdflu noong 2005 at swineflu noong 2009.
Ayon kay Andersen, naghahabol na lamang ang gobyerno kapag mayroon nang outbreak imbes na ilatag ang maaga at aktibong paglagay ng mga preventive measures para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit.
Umaabot na sa 208 ang kaso ng Covid-19 sa bansa.
- Ulat ni Macel Ingles
Kuha ni Macel Ingles
Comments