top of page
Search

Kilala mo ba si Andres

  • Writer: Pinoy Portal Europe
    Pinoy Portal Europe
  • Jun 13
  • 2 min read
ree

Sa paggunita ng ika-127 taon ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong June12, handog ng Pinoy Portal Europe ang tula na nilikha ni Rhoderick Ople, a.k.a. Ibarra Banaag, nagtatrabaho bilang sous chef sa Italya.


May pamagat na, “Kilala mo ba si Andres”, ang tula na sinulat niya noong November 30, 2022, ay kasama sa halos 200 orihinal na tula sa binuo niyang libro.

Ang anthology of poems, “Tudla Mula sa Dayong Banyaga: Mga Tula” na inilunsad nito lamang June 7, ay sumasalamin sa mga kontradiksyon sa lipunang Pilipino at pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap na nakikibaka para lumaya sa gutom at paghihikahos.


Ayon kay Ople, magiging available din ang kanyang libro sa ilang bookstores sa Pilipinas.

Sa mga kababayang interesadong bumili ng libro ni Ople, kontakin lamang ang FB page na 26 Pages (https://www.facebook.com/share/1HzvCytSX5/)  o kay Gerome Nicolas Dela Peña (https://www.facebook.com/share/1AVVH3JaK6/).


Kilala mo ba si Andres

Ni Ibarra Banaag


Moog ay nakatayo sa liwasan, isang bantayog ng katapangan

pagkilala na isang makabayan, umalma´t nag-alsa sa dayuhan.


Hindi lang siya rebolusyonaryo, kilala na isang artista sa teatro

at matalas na makata ng bayan, lantay na henyo sa kabayanihan.


Lingin sa kaalaman ng marami, siya´y mahusay na manunulat

na sa kasagsagan ng kabataan, naging Supremo ng Katipunan.


Ngunit sa landas ng katipunero, mayron ang budhi ay di sinsero

pananaw ay sadyang palasuko, kaya pinaslang nila si Bonifacio.


Napakadalang na ang tulad niya

na nagbuwis ng buhay na dakila

ng sa kuko ng dayuhan ay

lumaya maahon ang bayan sa pagka-alila.

 

Ngunit daang taon na ang lumipas, kabaligtaran ng kanyang inasam

na sana ang taong bayan ay ligtas, sa dikta ng mananakop kumalas.

Isang malungkot na kaganapan, ngayon tayo´y pilit na inaagawan

ng yamang daat at ng karagatan, walang magawa ang pamahalaan.


Ang higit na masakit na lumalatay, sa sikmura ng mga nasa laylayan

kasabwat palang mga talampasan, na tungkulin tayo ay protektahan.


Pakiwari´y nagbago na kahulugan ng tunay na kalayaan at kagitingan

Ngayon ang mga taksil na nakabarong, sanga ang dila sa pagmamarunong.


Ang nakabibingi sa sintido kumon, si Andres na sa rebolusyo´y nagtimon

naaalala lang ´pag kawit ang palakol, at mensaheng ngayo´y napapanahon.


Mahigit isang siglo na ang nakalipas, hanggang ngayo´y alipin ng pagtakas

nagbago lang ang mukha at sandata, ngunit lumalaban pa rin ang timawa.


Nilikha ika-30 ng Nobyembre, 2022




OFF THE PRESS: Masayang ipinagmamalaki ng Kabayaning si Rhoderick Ople ang kanyang libro na “Tudla Mula sa Dayong Banyaga: Mga Tula” na kanyang inilabas nitong June 7. Si Ople ay nagtatrabaho bilang sous chef at presidente ng OFW Italy.  Photo courtesy of Rhoderick Ople
OFF THE PRESS: Masayang ipinagmamalaki ng Kabayaning si Rhoderick Ople ang kanyang libro na “Tudla Mula sa Dayong Banyaga: Mga Tula” na kanyang inilabas nitong June 7. Si Ople ay nagtatrabaho bilang sous chef at presidente ng OFW Italy.  Photo courtesy of Rhoderick Ople

 


 
 
 

Comments


Subscribe Form

  • facebook
  • twitter
  • instagram
  • youtube

©2020 by Pinoy Portal Europe. Proudly created with Wix.com

bottom of page