top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Israel-Hamas war, nagpatuloy matapos ang truce; Pinoys, nakiisa sa panawagang itigil ang karahasan

Updated: Dec 7, 2023

Ni Sonny Fernandez

Sa pagtatapos ng ika-pitong araw at one-day extended humanitarian truce ng Israel at Hamas, nagpatuloy ang gyera at binayo ng bomba ng Israel warplanes ang eastern Gaza kung saan agad na namatay ang 32 Palestinians.


Babala ni United Nations High Commissioner for Human Rights Volker Turk, ang pagpapatuloy ng gyera ay mas magiging mapaminsala.


Giit ni Turk, "Hinihingi ko sa lahat ng partido at estado na may impluwensya sa Israel at Hamas na doblehin ang ginagawang mga paraan para agad na magpatupad ng makataong ceasefire at base rin sa karapatang pantao."


(I urge all parties and States with influence over them to redouble efforts, immediately to ensure ceasefire - on humanitarian and human rights grounds.)

Sa kabila ng nag-collapse na truce, puspusan ang pagsisikap ng peace mediators na muling magkasundo ang naglalabanang kampo.


Nitong Biyernes, December 1, kinumpirma ng Qatar na lead mediator kasama ang Egypt at US, na nagpapatuloy ang negosasyon ng dalawang kampo sa layuning bumalik sa humanitarian truce pero pinalalala ng gyera ang sitwasyon.


Nanawagan na ang international community na itigil na ang madugong karahasan para mapigilan ang pagdami ng civilian na mamamatay.


Kaya naman, nakiisa ang overseas Filipinos sa panawagan na ipagpatuloy ang kasunduan hanggang makahanap ng mas permanenteng kapayapaan sa Gitnang Silangan.

Sa panayam ng ANC nitong November 29, tiniyak ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na all-accounted for na ang lahat ng kababayan sa Israel at Gaza Strip.


Paniniguro ni De Vega, ligtas lahat ng 127 Pinoys sa Gaza na nakatakda nang umuwi, "Of course we had a sad part of four dearly departed Filipinos."

Ayon kay De Vega, 36 ang nakatakda nang umuwi sa Pilipinas, 314 ang nakauwi na, 90 ang umaasang makauuwi mula Israel.


Sa Gaza, 109 Pinoys naman mula sa Gaza ang na-repatriate na at 26 pa ang hinihintay nilang makatawid sa Rafa border ng Israel at Egypt, samantalang 20 mula sa Lebanon ang mare-repatriate ngayong December.


Ayon sa Presidential Communications Office, sagot ng pamahalaan ang return ticket at accommodation sa Israel habang naghihintay ng flight.


Ayon naman sa DMW, pagdating sa Maynila, tatanggap sila ng P50,000 mula sa DMW, P50,000 galing sa OWWA, paunang physical at medical check-up ng DoH at DSWD, care kits at food packs mula naman sa National Reintegration Center for OFWs, P20,000 financial assistance para sa mga indibiduwal na nasa krisis at skills training voucher and care kits naman mula sa TESDA.


Sasagutin naman ng DMW-OWWA ang kanilang hotel accommodation, transit flights, bus tickets at pagkain habang naghihintay pauwi sa kanilang mga tahanan sa probinsya.


Sa latest development nitong December 1, inanunsyo ni USec Bernard Olalia ng Department of Migrant Affairs, na hinihintay nila ang pag-uwi ng dalawang Pinoy na hinostage at pinalaya ng Hamas na sina Nora Babadilla at Gelienor "Jimmy" Pacheco na parehong nasa pangangalaga ng Philippine Embassy sa Israel.


Natuwa ang seafarer na si Luigi Reyes na nasa Croatia, sa balitang all-accounted for ang mga Pinoy sa mga bansang naggigyera at mahigpit na inaasikaso ng pamahalaan ang mga apektadong kababayan sa Israel-Hamas war.

Seafarer Luigi Reyes na nasa Croatia, nagpapasasalamat sa maagap at mahigpit na pagtulong ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Pinoy na apektado ng Israel-Hamas conflict.

I would like to say that I am happy and thankful for our government for their efforts in helping our fellow OFW who are affected in the war in Israel. And I am hoping and praying that the war will stop very very soon.”


Dumagdag ang boses ng mga Pilipino mula sa iba-ibang panig ng mundo sa panawagan ng international community na huwag idamay ang mga inosenteng mamamayan at hayaang ligtas na papasukin ang mga ayuda para sa mga biktima ng gyera na sa babala ng UN ay mas sasayad ang humanitarian crisis.

Sa tala ng International Committee of the Red Cross mula October 7-November 6, o isang buwan nang muling sumiklab ang gyera, libo-libo na ang namatay.


Sa nagdaang military siege ng Israel sa Gaza, lumobo pa ang civilian casualties, lalo na ang mga bata.


Ayon sa Israel, 1,200 ang napatay sa kanilang panig habang ayon sa Gaza health authorities, umabot na sa 15,000 Gazans ang nabawian ng buhay.


Ayon sa Public Broadcasting ng Virginia, USA, nitong November 30, tinatayang 5,300 bata ang iniulat na namatay sa gyera at mahigit 115 bata ang namamatay sa bawat araw.


Kasama rin sa namatay ang apat na overseas Filipino workers (OFWs) ayon kay De Vega ng foreign affairs.


Hindi napigilan ni Chary Gandara Werner, self-employed Pinay German, na madurog ang puso nang nabalitaan ang apat na OFWs na namatay.



Self-employed Pinay German Chary Gandara Werner nanawagan na dapat tulungan ang mga apektado ng gyera at tiyakin na lahat ay buhay.



“Kawawa ang mga OFW na namatay dahil doon sila nag tratrabajo nadamay tuloy sila sa away ng Israel and Palestine. Nakakalungkot na pati mga civilians na gusto lang mabuhay ng tahimik e apektado ng gyera. Dapat kahit ano mang gulo ng dalawang kampo ang mga tao na kailangan ng urgent na tulong e matutulungan lalo na everybody needs to survive.”


Naunang iniulat ng ICRC, halos 1.5 million ang nawalan ng tirahan sa Gaza. Habang nagkakaubusan na ng mga krudo na kailangan sa mga ospital, shelters, water facilities at mga panaderya, nagkandagutom na ang libo-libong tao sa paghahanap ng pagkain, tubig at matataguan sa walang tigil na pagbayo ng missiles at rockets ng Israelis. Hindi sapat at alanganin ang pasok at dating ng mga ayuda, na lalong nagpapahirap ng sitwasyon ng mga tao.

Masayang tinanggap ng mga OFW na apektado ng Israel-Hamas Conflict sa Ashkelon, Kibbutz Dorot, etc., Southern Israel ang grocery packages na pinadala ng Filipino community leaders, volunteers at DMW sa Philippine embassy sa Israel, November 8.



Si Rolly Casipit, administrator ng kanilang physical therapy clinic sa Michigan, USA, di mapigilang magalit sa magkalabang Israel at Hamas forces dahil parehong dinadamay ang mga inosenteng sibilyan sa gyera.


Magpatayan sila ng magpatayan pero wag idamay ang mga civilian lalo na yung mga bata at matatanda. Bigyan ng pagkain at matutuluyan ang mga taong apektado, mga OFW lalo.

Tapos ang International Red Cross mag-focus lang sa humanitarian aid at huwag makihalo sa pulitika."


Iginiit ni Mirjana Spoljari, presidente ng International Committee of the Red Cross, sa dalawang naglalabanang pwersa, may obligasyon ang Israel at Hamas na sundin ang international humanitarian law na wag idamay ang mga sibilyan, medical institutions at personnel sa gyera at ligtas na papasukin ang mga tulong pagkain, gamot, tubig at iba pang pangangailangan ng mga biktima.

Suportado ito ni Rodge Cultura, Pinoy journalist sa Toronto, Canada na nanawagan din sa dalawang pwersa na tiyakin ang entry at access para sa humanitarian aid.

Rasonable pahintulutan ang medical aid at pagkain. Also, I wish, Palestine, grupo ng Hamas at Israel ay magkasundo to extend time araw-araw para lahat ng mga tao na gustong umalis sa lugar ay ligtas na makalabas. Siguraduhin na ang mga ruta na daanan ng mga refugee ay ligtas para sa kanila, Ang aid at mga pagkain papasok sa mga lugar na inokupa ng sibilyan at pahintulutan.

Nangangamba si Cultura na kung magpapatuloy ang bakbakan ay lalala pa ang sitwasyon.

Huwag gumamit ang Israel ng nuclear weapon o biochemical weapon o ang alin man sa mga estado o grupo. Huwag na sana dagdagan ang lumolobong bilang ng mga sibilyan na napatay,” hiling ni Cultura.



Canada-based Pinoy journalist, Rodge Cultura, nakiisa sa panawagang magkasundo ang Israel at Hamas na hayaang ligtas na makaalis ng war zone ang mga sibilyan na naiipit sa bakbakan.






Sa mga Pilipino sa Israel, Gaza, West Bank, Lebanon at katabing bansa na nadadamay sa gyera na nangangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa +63 2 1348 o kumunek sa mga otoridad sa mga sumusunod na contact details: WhatsApp at Viber numbers +63 90832 68344; +63 92714 78186 at +63 92051 71059.

Sa mga gusto namang magpa-rescue, lumikas at umuwi sa Pilipinas ang hotline po ng DMW One Repatriation Command Center (ORCC) ay +63 2 1348, 24/7 at email address, repat@dmw.gov.ph



Watch: Seafarer Luigi Reyes na nasa Croatia, nagpapasasalamat sa maagap at mahigpit na pagtulong ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Pinoy na apektado ng Israel-Hamas conflict.


Watch: Clinical therapy administrator ng US-based Pinoy, Rolly Casipit, galit sa sigalot ng Israel at Hamas dahil dinadamay ang civilians lalo na ang mga bata at matatanda.



###

60 views0 comments

留言


bottom of page