Ulat ni Jessica Gross
FRANKFURT --Sa kabila ng panawagan ni German Chancellor Angela Merkel na iwasan muna ang pagkakaroon ng pagtitipon ng maraming tao, itinuloy pa rin ang pagpa-exam sa Abitur o German Higher Education Entrance Exam sa karamihang German states sa bansa.
Ang Abitur ay isang qualification na ibinibigay para sa university-preparatory schools sa Germany, Lithuania at Estonia.
Dalawa lamang ang states na nagpaliban sa pag-hold ng exam habang 14 naman ang nagpasyang ituloy na lamang ito. Tanging ang Bavaria at ang Mecklenburg-Vorpommern states ang nag-suspend ng eksam sa kanilang lugar.
Ayon ki Chancellor Merkel, natuloy ang mga exams dahil hinayaan na ng federal government ang desisyon tungkol dito sa bawat states.
Nauna nang ipinasara ng federal government ang mga eskwelahan sa Germany kaugnay ng pagtaas ng bilang ng Covid-19 cases sa bansa.
Ayon sa ulat ng John Hopkins University, tumaas na sa 12,327 ang kaso ng Covid-19 sa bansa ngayong araw habang 28 naman na ang namatay sa sakit. Isa na ang Germany sa may pinakamataas na kaso ng coronavirus sa Europa.
Samantala, sa kabila ng krisis, naka-display na ang easter articles sa mga tindahan pero mapapansin na nagkakaubusan na rin ng ilang items tulad ng noodles, hygiene products tulad ng toilet paper at tissue papers sa mga tindahan.
Mahigpit din ang patakaran sa tindahan gaya ng sa Muenzenberg na isang shopping cart lang ang pinapapayagan bawat tao at di pinapapasok kung naubusan na ng cart. Ito ay para maiwasan na magsiksikan ang mga tao sa loob at mapanatili ang social distancing.
Grammar school in Butzbach, Hesse
Kuha ni Jessica Gross
Comentarios