top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Gaza casualties, higit 21,000 na; 9 OFWs mula Beirut nakauwi na

Ni Sonny Fernandez

 



Isa ang malaking demonstrasyon na ito sa downtown Los Angeles, California kamakailan. Mas madalas at laganap ngayon sa US at iba-ibang bansa sa buong mundo ang ganitong demonstrasyon.

Kinokondena ng mga raliyista ang Israel sa dumaraming pagpatay nito sa civilian population sa Gaza.

Video courtesy of Ramon Flores



Gutom, pagkakasakit at pagdurusa na nga ang kanilang Pasko, sasalubong pa sa mas madugong Bagong Taon ang mga Palestino dahil walang tigil na binabayo ng pambobomba at air strikes ng Israeli Defense Forces ang Gaza Strip.

 

Ito’y sa kabila ng paglobo ng mga namatay na ayon sa Gaza Health Ministry ay umabot na sa 21,110;  mas malaganap na worldwide protests laban sa Israel siege sa Strip; at panawagang tigil putukan.  

 

Sa report ng The Times of Israel December 25, nagbabala si Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi sila titigil sa gyera hanggang hindi napupulbos ang Hamas forces.

 

“We are not stopping. The war will continue until the end, until we finish it, no less,” sabi ni Netanyahu.

 

Sinegundahan ito ni Israeli Army Chief of Staff Herzi Halevi na galing sa Gaza at nagsabi nitong December 28 na ang gyera ay tatagal pa ng “many more months,” batay sa kanilang situational assessment doon.

 

Gumapang na ang bakbakan sa Gitnang Silangan pati ang mga kaalyadong armadong grupo ng Palestine ay ginigyera na ang Israel.

 

Pinaniniwalaang suportado ng Iran sa pamamagitan ng proxies ng Islamic Revolutionary Guard Corps ang mga ganting salakay sa Israel ng Syria, Hezbollah ng Lebanon, Islamic Resistance in Iraq at  Houthi rebels ng Yemen.

 

Sa kanyang yearly review nitong December 28, sinabi ni World Health Organization (WHO) chief, Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang Gaza ang pinanggagalingan ng “immense and avoidable suffering,” ngayong 2023.



In an overwhelming majority vote of 153, the UN General Assembly passed a non-binding

resolution on December 12, 2023 calling for a humanitarian ceasefire in Gaza.

UN Photo

 

Kinondena ng WHO ang walang habas na pagdurog sa mga ospital dahil mas nagiging desperado na ang mamamayan sa takot, gutom, pagkauhaw, kawalan ng tirahan at kuryente.

 

Kaya naman mas lumalaganap pa ang mga protesta sa iba-ibang panig ng mundo laban sa Israel at panawagang itigil na gyera.

 

Sa kanyang taunang Christmas Day “Urbi and Orbi” mass sa Vatican, nanawagan si Pope Francis ng global peace, na ihinto na ang gyera, ”to every war, to the very mindset of war, an aimless voyage,  defeat without victors, an inexcusable folly.”

 

Panalangin niya na manaig ang kapayapaan sa Israel at Palestine, “where war is devastating the lives of peoples.”

 


In his yearly Christmas Day “Urbi et Orbi” mass in St. Peter’s Basilica, Pope John Paul called for global peace. Vatican Photo


Sa pagdiriwang ng International Migrants' Day nung December 18, nanawagan ang Migrante International na itigil na ang "US-backed genocide na ginagawa ng Israel sa Gaza, pagpapalaya ng mamamayan ng Palestine at mas malawak na pagkakaisa para labanan ang US imperialism na may malaking papel sa malawakang pagkakawatak-watak ng Palestinians at migrasyon ng mga tao sa buong mundo."


Ang Pinoy humanitarian activist at freelance photographer na si Ramon Flores, sumasali sa mga demonstrasyon sa Los Angeles, California at nananawagan ng tigil putukan.

 

“In the immediate, ceasefire. Bagaman iba-iba ang mga posisyon ng mga supporter ng magkabilang panig, pwedeng mag-usap na itigil muna ang labanan at mga atake sa isa’t isa. Ito ang tingin ko ang dapat na pressure ng international community,” giit ni Flores.




Isa ang humanitarian activist na si Ramon Flores sa nakikiisa sa panawagan na tigil putukan ng Israel at Hamas sa Gaza.

Photo courtesy of Ramon Flores 





Nauna sa panalangin ng Santo Papa, inaprubahan ng United Nations Security Council nung December 22, 2023 ang resolution na pabilisin ang pagpapadala ng humanitarian aid sa mga nagugutom at desperado nang civilians sa Gaza pero nag-veto ang US na tanggalin ang panawagan para sa “urgent suspension of hostilities” ng Israel at Hamas. 

 

Bago yan, noong December 12, sa boto ng overwhelming majority, ipinasa ng United Nations General Assembly ang non-binding resolution na nananawagan ng "humanitarian ceasefire" sa Gaza.


153 ang bumoto pabor sa resolution kasama ang Pilipinas, 23 nag-abstain at 10 ang bumoto kontra sa resolusyon kasama ang US at Israel.

 

Dismayado ang Pinoy na si Rolly Casipit, administrator ng kanilang therapy clinic sa Michigan, USA sa sistema ng UN Security Council kung saan pwedeng harangin ng US, Russia,  China at iba pa, sa pamamagitan ng veto power,  ang mga resolution o action na babangga sa kanilang interes o impluwensya.

 

Paniwala ni Casipit, “noon pa ang UN ay walang pangil; para silang principal ng paaralan na may mga pasaway na bata, tapos, pag may pasaway, bibigyan lang ng sulat.”

 

Nakikiisa rin ang president ng OFW Watch Italy na si Rhoderick Ople sa panawagang ceasefire at nagpatama sa Amerika.

 

“Tigilan na ng mga nagsusulsol at pasimuno ng gyera, ang pag-atake sa tirahan ng mga sibilyan, ospital at paaralan, sa halip ay ipatupad ang tigil putukan.”

 



OFW Watch Italy President Rhoderick Ople hangad na mabawi at maibalik ang lupang pag-aari ng mga Palestine.

Photo courtesy of Rhoderick Ople




Hiling naman ni Rodge Cultura, Pinoy journalist sa Toronto, Canada, “sana kumalma ang lahat ng estado. Isantabi ang political at religious dogma na nagpapainit sa digmaan na nag-uugat sa mahaba nang panahon.’

 

Paniwala ni Cultura, “hindi masosolusyunan ng dahas ang karahasan na naganap noong Oktubre 7.”  

 

Hiling din ni Ople ang kaayusan sa Gaza, “Para sa Gaza, hangad ko lang mabawi at maibalik ang lupang pag-aari ng mga Palestino.”

 

Mungkahi ni Casipit sa UN, pag nagpatupad ng ceasefire,   “Dapat magpadala sila ng contingent army para mangalaga ng kapayapaan doon sa Gaza at sa pagitan ng Palestine at Israel.”

 

Samantala, ibinalita naman ng Deparment of Migrant Workers (DMW) na dumating nitong Huwebes, December 28 ang siyam na overseas Filipino workers (OFWs) at limang bata mula Lebanon sakay ng PAL Flight PR685.

 

Sinalubong sila nina DMW Assistant Secretaries Venecio Legaspi at Francis Ron De Guzman na nagbigay agad ng assistance. Umabot na sa 111 OFWs ang nakauwi sa bansa mula sa Lebanon.

 

Ang Lebanon ay binobomba rin ng Israel dahil ginigyera sila ng Hezbollah na alyado ng Palestine.  

 

Nung December, 19 dumating naman sa NAIA Terminal 1 ang 13th batch ng 37 OFWs mula Israel na  mga caregiver at hotel workers.

 

Binigyan sila ng kabuuang P125,000 financial aid, Training and Capacity Enhancement vouchers mula sa DMW, OWWA, TESDA at DSWD.

 

Namigay din ng pabaon goodies at isang timba ng Noche Buena packages mula naman sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

 

Sa kabuuan, may 413 OFWs na ang nakauwi ng bansa mula nang pumutok ang gulo nung October 7 nang salakayin ng Hamas ang Israel.

 

###


108 views0 comments

Comments


bottom of page