ni Maricel Burgonio
Kusina ni Lodi, Milan
Nagsimula bilang waiter, naging barista hanggang umangat at ginawang head waiter ang 51-taong-gulang na si Franco Angulo sa isang Italian restaurant.
Sakripisyo, tyaga at pagsusumikap na sinuklian ng pinapangarap na reward: ang makapiling ang asawa at apat na anak.
"Sa Milan, ang hardships bilang OFW ang mapahiwalay sa aking asawa at apat na anak kaya ginawa ko ang aking makakaya para makarating dito, halos 10 taon kaming magkakahiwalay."
Hanggang dumating ang hindi inaasahang blessing bunga ng kanyang determinasyon sa buhay.
Nakapagpatayo siya ng sariling Pinoy Food restaurant sa Milan, ang Kusina ni Lodi, nung July 9, 2021 matapos ang pandemic.
"Nagsimula akong OFW bilang turista, hindi ko po inaasahan na magkaroon ng restaurant. Kaya ko palang magluto. Nagsumikap po ako ng isang restaurant kahit maliit", kwento ni Franco sa isang interview kung saan dumating siya sa Italya noong 2005 sa edad na 31.
Bitbit niya sa itinayong restaurant ang mga natutunan sa nagdaang 16 taong matyaga at masigasig na pagtatrabaho. "Natutunan ko sa Italian restaurant ang pakikipag-kapuwa tao at pakikipag-usap sa mga customer. Dun ko nalaman lahat paano ko sila makausap ng maayos at paano magbenta ng pagkain," aniya.
Nagtrabaho si Franco ng dalawang shifts - 9 am to 4 pm, tapos ay bumabalik ng 6:60 pm hanggang 1:30 am. "Matyaga ako magtrabaho. Sa pakikisama sa Italiano ay hindi madali, dapat lang talaga maging maayos at mahusay sa trabaho. Nagpapasalamat ako at pinagkatiwalaan ako ng amo ko,' pagpapatuloy pa ni Franco.
Bago sa Italia, nagtrabaho muna si Franco sa Saudi Arabia ng 10 taon, at nag-business siya sa Pilipinas ng bar at restaurant internet cafe pero hindi ito tumagal kaya nagpursigi siyang pumunta sa Italia.
Sa bago niyang restaurant, nag-offer siya ng Sinaing na Tulingan, Lomi Overload, gayundin ng Halo-Halo Overload, mga pagkaing kilalang masasarap sa kanyang bayang sinilangan -- ang Batangas.
May kasabihan, "When it rains, it pours". Nito lang April 9, 2024 nasundan ng isa pang branch ang kanyang restaurant. Sa loob ng halos tatlong taon, may dalawang branches na siya.
Kwento pa ni Franco, "ang kusina ni Lodi ay ginawa kong mapasarap ang pagkain sa mga kliyente ko at saka maging mabait sa aking mga kliyente at mga customer na pumupunta dito sa restaurant ko. Yun po ang model ng aking Kusina ni Lodi. Tumitrending din ito sa Facebook na meron nang mahigit 102K followers!"
Franco Angulo, owner of Kusina ni Lodi, Milan
"Na-market ko siya thru Facebook at sa reels, nakikita nila ang mga ginawa ko at sineserve na pagkain," paliwanag niya. Ibinida niya na winner sa customers ngayong summer sa Italy ang kanyang Sinaing na Tulingan, gayundin ang Dinuguan, Kalderetang Kambing at Bicol Express.
Sa pangalawang branch, nagse-serve sila ng Lomi Overload, Halo-Halo Overload at may Promax Halo-Halo Overload.
"Yan po ang dinadayo nila ngayon," pagmamalaki ni Franco.
"Ang secret po ng pag-success ng Kusina ni Lodi ay maging mabait sa tao at laging mapagkumbaba. At lagi tayong nandyan kay Lord na wag mawalan ng pag-asa," pagbabahagi ni Franco.
"Sa turista kasi, lumalabas sa top rated restaurants in Milan (ang Kusina ni Lodi). Nasa unahan ako lagi na pinupuntahan ako ng artista," pagmamalaki pa ni Franco.
Bilang patunay, Number 10 sa ranking ang kanyang restaurant sa Top-rated.online, nakasama sa Rolling Stone Magazine at pasok sa Worldwide Restaurant Directory. Binisita na rin siya ng mga artista tulad ni Wency Cornejo at Gardo Versoza.
"Nagtiktok kami nyan kasi nagustuhan nya pagkain ko," anya.
"Ang message ko sa gustong mag-business, magtyaga lang tayo at dapat nakatutok sa pag-business. Lagi po tayong mapagkumbaba. Tyaga tyaga lang tayo. Kakayanin natin ito," dagdag pa ni Franco.
"Nagpapasalamat po ako sa mga customer at tinatangkilik nila ang Kusina ni Lodi 1 at 2 sa Via Scrivia 1 at Via Conte Verde 17 sa Milan."
Anupa't sadya ngang itinakda ang pangalan ng restaurant sa tunay na idol o lodi na si Franco Angulo - idol sa pagmamahal sa pamilya, disposisyon sa buhay, talento sa pagluto, abilidad sa pamamahala ng negosyo, pagpapakumbaba, paglingon sa pinanggalingan at higit sa lahat pananalig sa Diyos.
###
Complimenti Kuya Franco
Keep it a good work po mabuhay po God bless .
Cristy ....