top of page
Search
Writer's picturePinoy Portal Europe

Diary ng Pinay-Italian, winner ng 2024 Torino FIlm Fest literary Special Prize

Ni Maricel Burgonio




(Ear-to-ear ang ngiti ni Marinella Dela Rosa, Special Prize winner sa XIX Edition  ng Lingua Madre Competition sa Torino FIlm Festival ang isinulat niyang diary,

Logbook: Between Italy and My Asian Roots".            

Photo courtesy of Emely Dela Rosa)



Torino, Italy- Sa napapanahong tema ng Filipino migrant workers, ethnicity/ minority at determinasyon sa pagpupunyagi, kumurot sa damdamin ng mga hurado at pumukaw sa kanilang kaisipan ang 'diary' na likha ng Pinay-Italian na si Marinella Dela Rosa at pinarangalan ito sa nagdaang national literary competition.  


Nagwagi ng Torino Film Festival Special Prize si Marinella sa isinulat niyang diary na may pamagat na ‘Logbook: Between Italy and my Asian Roots" sa isinagawang XIX Edition ng Lingua Madre Competition, March 26,2024.


Kwento ng Italy-born na si Marinella, nasorpresa sya sa kanyang pagkapanalo dahil hindi nya ito inaasahan lalo't pinagkatuwaan lang nya ang sumali.


Anya, sinulat nya ang apat-na-pahinang diary ng dalawang oras at inisip na lang nya na walang mawawala sa kanya kung sumali.


"It was good na nanalo, you feel heard. Kahit katulong lang ang mga Filipino dito, maganda na irecognize ka nila na importante din ang istorya mo.yung pinalaki mo yung pamilya mo,” kwento ni Marinella sa isang interview.


Kaya naman napakasaya at sobrang ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang si Marinella.


Proud kami sa kanya, we are happy, hindi namin inaasahan na magkakaroon sya ng award,” tuwang-tuwang ibinahagi ni Emely Dela Rosa, ina ni Marinella.


Ako, masayang-masaya ako, kahit papano may talino ang anak ko.maraming salamat, sana ipagpapatuloy nya ang ganitong ugali, mabait, marespesto at masipag,” pagbibida naman ng kanyang ama na si Renato dela Rosa.


Masayang Ipinagmalaki rin si Marinella ng Philippine Consulate sa Torino at ng Filipino Chaplaincy of Turin sa pangunguna ni Father Charles Manlangit.


Talagang ako ay tuwang-tuwa bilang kapilanon ng ating Filipino community. Nakilala tayo sa mundo dahil sa kagalingan nating mga Filipino. Congratulations Marinella for this award that you received,” ayon sa pahayag ni Father Manlangit.


"Thank you father and I'm thankful to God for this winning and this opportunity. Thank you po father,” ayon kay Marinella.  


Sa salitang Italiano, sinimulan niya ang kwento na naglalaro siya sa 4 na palapag na villa sa isang burol ng Torino nung siya ay walong taong gulang.


Sa istorya, ginawa niyang papel ng kontrabida ang sarili sa isang palabas sa telebisyon.


Bandang 2004,  napansin niya na hindi sya katulad ng mga Italiano. Sinabi nya sa kanyang sarili na ang kulay ng balat ay walang kinalaman sa pagiging iba (indifferent).


May mga pagkakataon pa sa eskwelahan na tinatanong ang propesyon ng mga magulang at nahiya syang sabihin na ang kanyang mga magulang ay domestic workers o taga-linis.


Gayundin ang kwentuhan sa kaibigan na tinanong sya kung bakit wala syang sariling kwarto.


Hindi na lang sinabi na natutulog sya kasama ang mga magulang sa kwarto. Nakikita nya ang pagkakaiba ng antas ng buhay ng  mga kaklase sa kanya.  


Sa taong 2015, noong high school si Marinella, nagpakita na sya ng talino at husay sa eskwela pero naramdaman na nya na iba sya sa mga kaklase nya. 


May panahong dumistansya sya sa kanyang ama.  


Sa kanyang paglaki, tumagos sa kanyang alala ang pagmamaltrato na sinapit ng magulang sa kanilang amo.


Taong 2021, sa edad na 23, hindi nya nalimutan ang masamang salita na narinig nya na sinasabi ng amo sa kanyang ama, pero wala siyang magawa.


Hindi sya komportable sa pang-aabusong berbal na natatanggap ng ama, puno siya ng hinagpis kaya hindi na naging maganda ang tingin nya sa villa.


Nang nagkasarilinan silang mag-ama, sinabi nyang hindi dapat sya pumayag  na tratuhin  ng  masama sa trabaho sa villa.


Pero sinabihan sya ng magulang na mas mabuting manahimik na lamang.


Ikinuwento rin nya na tumutulong din ang ama sa ibang trabaho. Pagkatapos sa villa, naglinis pa ang ama sa dalawa pang gusali at opisina hanggang sa gabi.


Noong, 2022, ikinuwento nya na natauhan ang kanyang ama at umalis sa labyrinth villa pagkatapos ng 23 taong pagtrabahoo at pag-abuso sa kanya.


Dad is finally free. My eyes went back to the same naive little girl who loved taking photos in the villa, next to the lions. I admit, I didn't expect it from him, from my good and respectful father who always suffered and lowered his head in order to support his family. Finally, my dad is back, the serene one, the one I've always seen under the armor,” anya.


For a young woman like me, being able to integrate into a society is essential to living well,” buong pagtitiwalang sinabi ni Marinella sa kanyang 2023 diary.



Labis-labis ang pasasalamat ni Marinella Dela Rosa bilang kinatawan ng Pilipinas sa nagdaang 2024 Torino FIlm Festival matapos siyang manalo ang kanyang diary, " Logbook: Between Italy and Asian Roots" ng Special Prize sa XIX Edition ng Lingua  Madre Competition, March 26, 2024                           

Video courtesy of Maricel Burgonio



END


77 views0 comments

Comments


bottom of page