ROME - Idineklara ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte na Martes, alas 10 ng gabi, ay ipapasailalim sa lockdown ang buong bansa dalawang araw matapos ilagay ang malaking bahagi ng north Italy sa lockdown. Ang deklarasyon ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19 na umakyat sa aabot sa 2000 sa loob lamang ng 24 oras.
Sa isinagawang press conference sa Palazzo Chigi Lunes ng gabi, sinabi ni Prime Minister Conte na nagdesisyon ang gobyerno na ipatupad ang total lockdown dahil gahol na ang bansa sa oras at dahil “there is a significant spike in numbers of the infected people and also of deaths.”
Nanawagan din siya na kailangang baguhin ng mamamayan ang kanilang mga gawi at sinabing
“we have to change our lifestyle and give up other interests – to help contain the increase of infected people.”
Nasa ilalim ngayon sa 'zona protetta' o protected area ang buong Italya kaya hihigpitan ang pagpatupad ng mga preventive measures upang sugpuin ang pagkalat ng coronavirus. Kabilang sa mga restrictions na inilahad ng prime minister ay ang panawagan na manatili sa loob ng bahay at iwasan ang paglalakbay maliban na lang kung kinakailangan.
Mananatili ding suspendido ang mga eskwelahan at unibersidad hanggang Abril 3. Ipinagbabawal din ang lahat ng pampublikong pagtitipon, sarado na rin ang mga museo, gym, teatro, pub, salsa, bingo at disco pub. Ang mga restaurant at bar ay mananatiling bukas hanggang alas-6 ng gabi lamang at obligado ang lahat na panatilihing may 1 metro distansya mula sa ibang kustomer. Nauna na ring i-anunsiyo ng Diocese of Rome ang paghinto ng mga misa, kasal at funeral. Nanatili ring bukas lamang ang simbahan para sa personal na pagdarasal.
May ilan na ring mga Pinoy ang nakaranas ng forced leave mula sa kanilang trabaho. Nangangamba si Sheila Cristine Catli, isang tour operator na dahil sa pagsara ng mga museo at napilitan din sila ngayong mag-leave sa trabaho.
“Pero sana kahit nakalockdown, may pera pa ding dumadating kaso ang problema wala, 0 balance, kaya napipilitan lumabas at kumayod ung mga natitirang may trabaho pa,” ayon pa kay Catli.
Sa datos ng inilabas ng Department of Civil Protection, umabot na sa 7, 985 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa buong Italya, at 463 naman ang naitalang namatay habang 724 ang nakarecover. Mananatili ang total lockdown sa Italya hanggang April 3. Itinatayang aabot sa mahigit sa 150 libong Pinoy ang nakatira sa Italya. Sa Lombardy, aabot sa 58 libo ang Pinoy habang 47 libong Pinoy ang matatagpuan sa Lazio.
- Ulat ni Jackie de Vega
Kuha ni Jackie de Vega
Komentar