Ulat ni Gene Alcantara
Kasunod ng panawagan ng gobyerno na maghanda sa dalawang linggong self-isolation, nagkaroon ng panic buying na ikinaubos ng stocks sa mga supermarket ng mga pangunahing produkto.
Dalawa pa ang namatay at naitala ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso sa UK ngayong Miyerkules, Marso 11. 83 ang bagong bilang na naidagdag sa kaso ng Covid-19 sa UK at umabot na ito sa 460. Umabot na rin sa 8 ang bilang ng namatay.
Sa gitna ng pagtaas ng bilang ng kaso, pinayuhan ng gobyerno ang mga mamamayan sa UK na mag-online sa 111.nhs.uk o kaya ay tumawag sa 111 kung mayroon silang nais malaman hinggil sa infection at binalaan na huwag pumunta sa kanilang doktor, botika at ospital kung sila ay infected.
Ayon sa gobyerno, mabibigyan sila ng impormasyon sa hotline na 111 kung ano ang mga hakbang na gagawin kung sila ay infected. Nanawagan din ang gobyerno na maghanda sa dalawang linggong self-isolation. Kasunod nito, naibalitang nagkaroon ng panic buying ng mga produkto gaya ng bigas, pasta, instant noodles, gatas, gamot, tubig at toilet paper. Naubos din ang stocks ng mga supermarkets sa hand sanitizers o alcogels.
Apektado na rin ang ekonomiya kaya ibinaba na ng Bank of England ang interest rates mula 0.75% hanggang 0.25% para pasiglahin ang ekonomiya at makatulong sa mga taong may mga mortgage.
Sa panayam ng Pinoy Portal Europe sa ibang kababayan, napag-alaman na may mga pangamba sila sa kanilang kabuhayan, pamilya at sa kanilang mga anak na pumapasok sa eskwela.
Naguguluhan si Alicia (di tunay na pangalan) na nagtratrabaho sa isang private home kung bakit umabot na sa ganito ang sitwasyon sa bansa. Sinabi niyang nakakaranas na siya ng pagtatanong sa trabaho kung ano ang kanyang sinasakyan. Ito naman ay kanyang sinagot na pinipili niyang sumakay ng bus imbes na metro o tube dahil sa magandang bentilasyon at nag-iingat siya sa paghawak sa mga surfaces.
Sina Monica Morim at Raffy Bonita naman na isang Portuguese-Fiipino couple na naninirahan sa UK ay nangagamba rin sa outbreak. Si Monica na nagtratrabaho bilang nurse ay nag-aalala para sa kanyang isang taong gulang na anak at sa kanyang kalusugan dahil sa trabaho.
“As a nurse, I am very likely to get in touch with patients that is going to be positive with coronavirus and I think we should take precautions which will be washing our hands, washing our clothes more frequently as the virus will be sitting on our hands, surfaces and clothes and we have to be very very careful and aware that we aren’t contagious to other people,” dagdag niya.
Naniniwala rin siyang hindi sapat ang kahandaan ng bansa sa Covid-19 at sinabing dapat matuto ang UK sa karanasan ng Italya.
“I don’t think so, we are far beyond prepared but I hope the government will look at Italy and other countries and take appropriate measures and appropriate timing like closing schools and big gatherings of people. Hopefully that will start very soon in order to prevent thousands of people being contagious,” ayon pa kay Morim.
Tiwala naman ang kanyang asawa na si Raffy na sapat ang kanilang kaalaman sa Covid-19 dahil sa trabaho ni Monica.
“Opo prepared, always ready, si Monica nurse so laging updated sa amin,”pagtatapos ni Raffy.
Nangangamba ang pamilyang Bonita para sa kanilang 1-taong gulang na anak sa gitna ng Covid-19 outbreak.
Comentários